RIZAL – Droga ang sinisilip na dahilan sa pagmasaker sa apat katao na ikinamatay sa dalawa sa mga ito at ikinasugat ng dalawa pang biktima kabilang ang isang kritikal ang kalagayan sa Antipolo City.
Ayon sa ulat ng Antipolo PNP kay Calabarzon-4A Regional Director P/BGen. Jose Melencio Nartatez Jr., kinilala ang mga napatay na sina John Albert Padasay at Francis Labutan, kapwa may tama ng bala sa ulo at natagpuan ng mga awtoridad ang bangkay sa loob ng bakanteng bahay sa Lantion Compound, Road-28, Bagong Nayon sa lungsod.
Habang kritikal sa Antipolo District Hospital ang ikatlong biktima na umano’y pinagbabaril habang hinahabol ng hindi pa kilalang mga suspek.
Sugatan naman si Evangeline de Jesus na tinamaan ng ligaw na bala sa insidente.
Ayon sa pulisya, dakong alas-1:20 ng madaling araw, nakatanggap sila ng tawag na dakong alas-11:30 ng gabi, pinagbabaril ng mga suspek ang tatlong biktima na ikinamatay ng dalawa sa mga ito. Kritikal naman ang kalagayan sa pagamutan ng ikatlong biktima.
Si De Jesus naman ay nadamay lamang sa pamamaril na nagkataong naroroon sa Lantion compound nang mangyari ang insidente.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, nabatid na dati nang naaresto sa ilegal na droga si Padasay sa buy-bust operation.
Sinabi ng ilang kapitbahay sa mga pulis na ginagawang drug den o lugar ng pot session ng tatlong biktima ang lugar.
Nagsasagawa na ng malalimang imbestigasyon ang pulisya at kinakalap na ang CCTV footages sa lugar para matukoy ang mga suspek at para malutas ang krimen. (ENOCK ECHAGUE)
