NADAGDAGAN ang bagong strain ng COVID-19 bukod sa unang nadiskubre sa United Kingdom.
Nabatid na may lima pang bagong variants ng coronavirus ang mahigpit na binabantayan ngayon ng mga eksperto sa iba’t ibang panig ng mundo.
Batay sa ulat, mayroon ding South African variant na binansagan bilang 501Y.V2 na nakapagtala na ng kaso sa sampung iba’t ibang bansa.
Iba rin ito sa nadiskubreng 1701V variant sa Malaysia at P681H variant na natuklasan naman sa Nigeria.
Sa Denmark, nakita ang cluster 5 variant na unang natuklasan sa hayop na minks.
Samantala, nananatili pa ring pinakamalawak at nangingibabaw na variant ng COVID-19 sa buong mundo ang D614G variant na siyang unang natuklasan sa China noong 2019 at tumama na sa 191 na bansa sa mundo.
Naitala naman sa 41 bansa ang UK variant o VOC202012/01 na unang na-detect noong Disyembre.
Kaugnay nito, nakapagtala muli ng mahigit 1,000 na panibagong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas.
Base sa datos ng Department of Health (DOH) nitong Huwebes (January 7), umabot na sa 482,083 ang confirmed cases ng nasabing sakit sa bansa.Sa nasabing bilang, 23,675 o 4.9 porsyento ang aktibong kaso.
Nadagdagan naman ng siyam ang mga namatay na ngayon ay mayroon nang kabuuang 9,356 o 1.94 porsyento ang COVID-19 related deaths sa bansa.
Ang total recoveries naman ay 449,052 matapos madagdagan ng 360 gumaling.
Ayon sa DOH, sa 1,353 iniulat na bagong kaso ng COVID-19 sa bansa, sa nasabing bilang, 82.3 porsyento ang mild; 8.4 porsyento ang asymptomatic; 0.48 porsyento ang moderate; 3.1 porsyento ang severe habang 5.8 porsyento ang nasa kritikal na kondisyon.
140
