5 SASAKYAN SINAGASA NG LASING

CAVITE – Patong-patong na kaso ang kinahaharap ng isang 34-anyos lasing na lalaki nang  araruhin  ang apat na sasakyan, motorsiklo at tindahan dahil sa sobrang galit sa bayan ng Tanza.

Nahaharap sa kasong paglabag sa RPC Art. 151 (resistance and disobedience), RA 4136 (driving without license) at reckless imprudence resulting in damage to property ang suspek na si Juanito Tolentino dahil sa reklamo nina Franklin Dilio, 46; Jerry Bon, 55; Ferdinand Asahan, 55, at Danilo Gallawan, 29, pawang mga residente ng Brgy. Bagtas, Tanza, Cavite.

Ayon sa ulat ni Pat. John Paul Driz ng Tanza Police, nagkaroon ng pakikipagtalo ang lasing na suspek sa kanyang pinsan na nauwi sa suntukan dakong alas-10:30 noong Sabado ng gabi sa Carissa Homes, Brgy. Bagtas, Tanza.

Sa tindi ng galit, sumakay ang suspek sa kanyang Honda Civic na may plakang TTE 499, at sinadyang araruhin ang apat na nakaparadang sasakyan, isang motorsiklo at isang tindahan.

Pagkaraan ay tumakas ang suspek ngunit nakorner ng mga residente na nagresulta sa pagkakadakip sa kanya. (SIGFRED ADSUARA)

355

Related posts

Leave a Comment