HULING ARAW NG PAGLILINIS NG MGA PUNTOD SA MANILA NORTH CEMETERY, DINAGSA

DUMAGSA ang mga tao sa Manila North Cemetery upang habulin ang huling araw ng paglilinis, pagpipintura at pagsasaayos ng mga puntod ng kanilang mga yumaong mahal sa buhay bago ang paggunita ng Undas.

Itinakda ng pamunuan ng sementeryo ang Oktubre 27, 2026, bilang huling araw na pinapayagan ang paglilinis at pagkukumpuni ng mga nitso at mausoleo.

Kaugnay nito, muling nagpaalala si Manila North Cemetery Director Dandan Tan na hindi na palalawigin ang itinakdang deadline. Dahil dito, hinimok niya ang publiko na samantalahin ang natitirang oras dahil hindi na papayagan ang paglilinis at pagkukumpuni ng mga puntod sa mismong araw ng Undas.

Pinapayagan naman ang mga vendor na magtinda sa loob ng sementeryo hanggang Oktubre 28. Pagkatapos nito, ililipat sila sa labas, sa kanang bahagi ng sementeryo, upang maipagpatuloy ang kanilang pagtitinda.

Pinaalalahanan din ang mga residenteng nakatira sa loob ng sementeryo na sundin ang mga patakaran para sa Undas, kabilang ang pagbabawal sa pag-inom ng alak at paggamit ng videoke.

Isinara na rin ang mga daanan sa gilid at likuran ng sementeryo upang matiyak na sa pangunahing pasukan at labasan lamang dadaan ang mga bibisita.

Batay sa tala ng pamunuan, mahigit 18,000 katao ang bumisita sa Manila North Cemetery noong nakaraang weekend. Pagsapit naman ng Linggo, umabot sa humigit-kumulang 70,000 ang dumalaw at naglinis ng mga puntod.

Tinatayang aabot sa dalawang milyong katao ang bibisita sa sementeryo ngayong Undas, mas mataas kumpara sa 1.6 milyon noong nakaraang taon.

Nauna nang naglabas ang pamahalaang lungsod ng Maynila ng iskedyul at mga patakaran para sa paggunita ng All Saints’ Day at All Souls’ Day.

Mananatiling bukas ang Manila North Cemetery mula alas-5 ng umaga hanggang alas-8 ng gabi, mula Oktubre 26 hanggang Nobyembre 2.

Mahigpit ding ipinagbabawal ang pagdadala ng mga baril at anumang uri ng patalim, alak at iba pang inuming nakalalasing, alagang hayop, gitara at malalakas na speaker, mga bagay na maaaring magdulot ng sunog, at mga gamit sa pagsusugal.

Samantala, maglalagay ang Manila Hawkers Division ng 150 tent sa buong lugar ng sementeryo upang ayusin ang pagtitinda sa panahon ng Undas.

Inaasahang babalik sa normal na operasyon ang Manila North Cemetery sa Nobyembre 3.

(JESSE RUIZ)

69

Related posts

Leave a Comment