3 PINOY HINARANG SA DAVAO AIRPORT SA HINDI TUGMANG TRAVEL PLANS

HINARANG ng Bureau of Immigration (BI) ang tatlong lalaking Pilipino na umano’y ni-recruit para magtrabaho bilang mga sundalo o guwardiya sa hangganan sa Silangang Europa matapos mabuking ang umano’y paggamit nila sa paligsahan sa Muay Thai bilang dahilan sa paglalakbay palabas ng bansa.

Ayon sa BI, natuklasan ng Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES) ang mga hindi pagkakatugma sa idineklarang layunin ng paglalakbay ng tatlo bago ang nakatakda nilang pag-alis sa Davao International Airport.

Ang mga lalaki, na kinilala sa mga alyas na “Johnny,” 25; “Berting,” 51; at “Tappy,” 50, ay unang nagsabing patungo sila sa Thailand upang lumahok sa paligsahan sa Muay Thai o magtrabaho bilang mga tagapagsanay nito.

Gayunman, sa masusing pagtatanong, lumitaw na balak nilang magtungo sa Silangang Europa matapos alukin umano ng buwanang sahod na P200,000 kapalit ng pagtatrabaho bilang mga sundalo o guwardiya sa hangganan.

Iniulat ng I-PROBES kay BI Commissioner Joel Anthony M. Viado na sina “Alexander” at “Oleg” umano ang nag-asikaso sa kanilang recruitment at sumagot sa mga gastusin sa paglalakbay.

Ayon sa mga lalaki, nakilala nila ang mga recruiter sa pamamagitan ng Facebook at Telegram.

Sinabi rin nila na ibibigay sa kanila ang kanilang mga electronic visa para sa Europa habang nasa Thailand.

Ayon sa salaysay ng isa sa mga lalaki, una silang sinabihan noong Oktubre 13 na dumaan sa umano’y “backdoor” na ruta sa Zamboanga. Kalaunan, binago ang plano at inatasan silang bumiyahe sa pamamagitan ng eroplano mula Davao.

Ipinasa ang tatlo sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) sa Davao International Airport para sa karagdagang imbestigasyon sa kanilang recruitment at planong pagtatrabaho sa ibang bansa.

(JOCELYN DOMENDEN)

67

Related posts

Leave a Comment