NASAWI ang driver ng isang motorsiklo at angkas nitong babae matapos makasalpukan ang isang Suzuki Ertiga sa kahabaan ng Antero Soriano Highway sa Barangay Lambingan, Tanza, Cavite, madaling araw noong Linggo.
Kinilala ang mga nasawi sa mga alyas na Errol, 37, na nagmamaneho ng Honda motorcycle na may plakang 156USK, at Rose, angkas nito.
Isinugod ang dalawa sa Tanza Family General Hospital and Pharmacy ngunit kapwa idineklarang dead on arrival dahil sa matinding mga sugat na tinamo sa katawan.
Hawak naman ng Tanza Municipal Police Station ang driver ng Suzuki Ertiga na may plakang NDF 6735, na kinilala sa alyas na Alejandro, 46.
Nahaharap ang driver ng Ertiga sa kasong reckless imprudence resulting in two counts of homicide and damage to property kaugnay ng insidente.
Batay sa ulat, kapwa binabagtas ng dalawang sasakyan ang nasabing highway ngunit magkasalungat ang kanilang direksyon nang maganap ang banggaan dakong alas-1:40 ng madaling araw.
Patungo umano sa Tanza proper ang Suzuki Ertiga, habang binabaybay naman ng motorsiklo at ng angkas nitong babae ang kabilang direksyon patungong Naic, Cavite.
Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente upang matukoy ang buong pangyayari at ang pananagutan ng mga sangkot.
(SIGFRED ADSUARA)
67 