MAGSASAMPA ng magkakahiwalay na reklamo sa Professional Regulation Commission (PRC) ang grupo ng mga doktor at medical experts laban kay Dr. Anthony “Tony” Leachon kaugnay ng umano’y hindi etikal na mga pahayag nito laban sa kapwa medical professionals.
Sa isang press conference, nagpahayag ng pagkabahala sina House Deputy Speaker Janette Garin, dating Department of Health (DOH) Undersecretary Dr. Kenneth Hartigan-Go, dating Research Institute for Tropical Medicine Director Dr. Socorro Lupisan, dating Food and Drug Administration (FDA) Director General Maria Lourdes Santiago, at dating Philippine Children’s Medical Center Executive Director Dr. Julius Lecciones sa umano’y paglagpas ni Leachon sa saklaw ng kanyang propesyon bilang doktor.
Balak ng grupo na humingi ng aksyon sa PRC, kabilang ang pagbawi sa lisensya ni Leachon, at magsumite ng mga ebidensyang susuporta sa kanilang mga reklamo.
Giit ng mga medical expert, bukod sa mga pahayag ni Leachon tungkol sa mga usaping pangkalusugan, sinisiraan din umano nito ang kapwa mga doktor sa pamamagitan ng mga pahayag na anila’y walang sapat na batayan.
Kabilang sa mga kinukuwestiyon nila ang umano’y pagpapalaganap ni Leachon ng mga negatibong impormasyon tungkol sa mga bakuna na maaari umanong magdulot ng takot at pangamba sa publiko.
Ayon sa grupo, ilang taon nang naglalabas si Leachon ng mga pahayag na kinukuwestiyon nila ang batayan at pagiging angkop sa kanyang larangan, kaya nais nilang masuri ito ng PRC dahil naaapektuhan din umano ang ibang medical professionals.
Ipinaliwanag din ng mga eksperto na dumaraan sa masusing pag-aaral at pagsusuri ang mga hakbang at programa ng pamahalaan sa larangan ng kalusugan bago ipatupad o ipahayag sa publiko.
Nag-ugat ang usapin sa kontrobersiya sa Dengvaxia vaccine. Nais ng grupo na maibsan ang pangamba ng publiko at mahikayat ang suporta sa mga programa at proyektong pangkalusugan ng pamahalaan.
(JULIET PACOT)
91 