NAGMAMAKAAWA na sa mga kinauukulan ang aabot sa 600 construction workers na stranded sa lungsod ng Antipolo, Pasig at San Juan na sana’y makauwi na sila sa kanilang pamilya.
Ang mga construction worker na nasa kanilang barracks sa Solid Cement Compound Brgy. San Jose, Antipolo City na aabot sa 350 katao ay nagmula pa sa bahagi ng Visayas at Mindanao.
Sa bahagi ng Ortigas, Pasig City at San Juan, tinatayang nasa mahigit 200 construction workers din ang nananawagan ng tulong na makabalik na sa kanilang lalawigan na karamihan ay nagmula pa sa Bicol, Palawan, Marinduque at Quezon dahil hirap na sila sa kanilang ginagalawang barracks at ubos na ang ayudang kanilang natanggap mula sa lokal na pamahalaan habang pati na rin ang pamunuan ng National Press Club ay tumulong na rin sa stranded na manggagawa.
Nagtatrabaho ang mga nasabing construction worker sa expansion project ng Cemex Cement Corp. na kinontrata ng CBMI Construction at ipinasub-contract naman sa 2 pang contractor na Hitsing na may 176 manggagawa at CHPY na may 173 manggagawa.
Lumalabas sa pagsisiyasat na walang kaukulang working permit mula sa Antipolo City Hall ang mga nasabing manggagawa at ang malaking katanungan ay kung bakit nagawang makapagtrabaho ng mga ito.
Maging ang contractor ng Hitsing construction na pinamumunuan ng isang Chinese National na nagngangalang Wang Bu Hitsing ay kuwestiyunable rin kung paano nagkaroon ng kontrata ang isang dayuhan.
Ang Hitsing Const. ang sinisisi ng mga trahabador sa dinaranas nilang hirap matapos silang abandonahin ng mga namumuno sa construction firm nang ideklara ang lockdown.
Una nang humingi ng tulong sa mga opisyal ng Brgy. San Jose ang mga nasabing manggagawa dahil sa umano’y kakapusan sa pagkain at iba pang pangangailangan, maging ang tanggapan ni Mayor Andeng Ynares ay nagpadala na rin ng ayuda.
Bukod sa lokal na pamahalaan ng Antipolo, nagpaabot din ng tulong sa mga biktima si Cemex Cement Comrel Officer Mr. Yson.
Hindi naman maalis ang sama ng loob ng mga construction worker sa ahensiya ng gobyerno na kumakatawan sa kanila maging sa party-list na nasa hanay nila dahil hindi tumulad sa BHW party-list na hindi pumayag na walang benepisyong matatanggap ang mga brgy health worker maging ang day care workers at tanod na isinama na rin sa SAP na mula DSWD.
Samantala, may nakipag-ugnayan na rin umano sa DOLE para sa tulong pinansyal at inaayos na rin ang pag-uwi ng mga manggagawa sa Kani-kanilang probinsya. CESAR BARQUILLA
180 