INILUNSAD ng pamahalaang lungsod ng Maynila nitong Miyerkoles, Nobyembre 25, ang sunod-sunod na aktibidad bilang bahagi ng 18-Day Campaign to End Violence Against Women (VAW), na tatagal hanggang Disyembre 12.
May temang “UNiTEd for a VAW-free Philippines,” ang kampanya ay alinsunod sa Proclamation No. 1172 at Republic Act No. 10398, na nagdedeklara sa Nobyembre 25 bilang National Consciousness Day for the Elimination of Violence Against Women and Children (VAWC).
Binuksan ang aktibidad sa pamamagitan ng CineBabaylan, katuwang ang Philippine Commission on Women (PCW), kung saan nagbigay ng mensahe si Manila Vice Mayor Chi Atienza tungkol sa kahalagahan ng paglikha ng ligtas na espasyo para sa kababaihan at kabataan.
Sa pangunahing programa sa gabi, nagtipon ang mga opisyal ng lungsod, konsehal, department heads, barangay leaders, day care teachers at mga kinatawan ng iba’t ibang sektor. Sabay-sabay nilang pinatunog ang mga pito bilang simbolo ng pagkakaisa laban sa gender-based violence.
Binalikan ni Atienza ang babala ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa flag-raising ceremony noong Nobyembre 23, kasabay ng paghikayat sa mga kababaihan, lalo na sa mga working mother at breadwinner, na ipaglaban ang kanilang sarili at huwag hayaang maabuso.
Ibinahagi rin ni Atienza ang naranasan niyang online harassment noong panahon ng kampanya, kung saan tinawag siyang “Disney Princess.” Sinagot niya ito sa pagsasabing, “Si Mulan, prinsesa rin naman. So kung Disney Princess ako, ako si Mulan.”
Tiniyak ng bise alkalde na may kakampi ang kababaihan sa pamahalaang lungsod.
Pinangunahan naman ni Manila City Councilor Irma Alfonso, chairperson ng Committee on Women, ang sabayang pagpapatunog ng mga pito at hinimok ang mga biktima ng pang-aabuso na huwag matakot na magsalita.
Tiniyak din ni Manila Department of Social Welfare Director Jay Dela Fuente na patuloy na kumikilos ang kanilang tanggapan upang maprotektahan ang mga babaeng at batang biktima ng pang-aabuso.
Kasama ang PCW, 13th City Council at mga barangay VAW desk, paiigtingin ng Maynila ang pagpapatupad ng Republic Act No. 9262 o Anti-Violence Against Women and Their Children Act, RA 11313 o Safe Spaces Act, at RA 8353 o Anti-Rape Law.
Binigyang-diin ng pamahalaang lungsod na walang puwang ang pang-aabuso sa Maynila at nakahanda ang lokal na pamahalaan na ipagtanggol ang karapatan at kaligtasan ng bawat babae at bata.
(JOCELYN DOMENDEN)
35 