DOE PINAALALAHANAN NG NLAP SA LPG SWAPPING CENTER GUIDELINES

PINAG-IINGAT ni National LPG Alliance of the Philippines, Inc. (NLAP) President Jose “Jojo” Cruz ang Department of Energy (DOE) laban sa pagpapatupad ng mga panuntunan sa LPG cylinder swapping centers na maaaring makapinsala sa mga mamimili.

Sa pagpapatuloy ng public consultation ng DOE-Oil Industry Management Bureau (OIMB), iginiit ni Cruz kay DOE-OIMB Director Rino Abad na hindi dapat ipilit ang isang hakbang para lamang masunod ang batas kung ang taumbayan naman ang maaapektuhan at magdurusa.

Tinukoy ni Cruz ang pagtutol ng NLAP sa draft guidelines para sa pagtatatag at pagpapatakbo ng LPG cylinder swapping centers.

Ayon kay Cruz at iba pang independent dealer at stakeholder, dapat pamahalaan ng gobyerno ang mga swapping center sa halip na ipagkatiwala ito sa mga marketer.

Babala nila, maaaring magkaroon ng personal na interes at conflict of interest kung ang mga marketer mismo ang mamamahala sa naturang pasilidad, na posibleng magresulta sa kapinsalaan ng mga consumer.

Nanawagan din si Cruz sa Kongreso na amyendahan ang umiiral na batas upang matiyak ang tunay na proteksyon sa mga independent LPG player at mamimili laban sa posibleng monopolyo sa industriya.

Binalaan pa ni Cruz ang DOE na handa silang idulog sa Korte Suprema ang usapin sakaling paboran ng ahensya ang mga marketer na mamahala sa LPG swapping centers sa halip na ang pamahalaan.

(DANNY BACOLOD)

39

Related posts

Leave a Comment