IKA-15 OFW AND FAMILY SUMMIT 2026, IDINAOS SA LAS PIÑAS

LIBRENG serbisyo, impormasyon at mga oportunidad sa kabuhayan ang hatid sa mga Overseas Filipino Worker (OFW) at kanilang pamilya sa ika-15 OFW and Family Summit 2026 nitong Huwebes, Nobyembre 26, sa The Tent at Vista Global South, C5 Extension Road, Las Piñas City.

Nagsimula ang pagtitipon alas-8:00 ng umaga at pinangunahan ni dating Senadora Cynthia Villar, managing director ng Villar Foundation na nag-organisa ng summit.

Layunin ng aktibidad na mabigyan ng kaalaman at gabay ang mga OFW at kanilang pamilya upang makapagtatag ng pangmatagalang kabuhayan at magkaroon ng mas matatag na kinabukasan sa Pilipinas.

Bitbit ng summit ang temang “Itaguyod ang Kabuhayang Pangmatagalan sa Sariling Bayan,” na nakatuon sa pagbibigay ng impormasyon tungkol sa pamumuhunan, mga bagong ideya sa negosyo at pagkakakitaan, gayundin sa mga programang susuporta sa pamilya ng mga OFW.

Tampok din sa programa ang iba’t ibang livelihood showcase, pamamahagi ng mga home appliance at livelihood package, gayundin ang raffle na may pagkakataong manalo ng bahay at lupa mula sa Camella Homes.

Libre ang pagdalo para sa mga OFW at kanilang immediate family members, kabilang ang kanilang asawa, anak, magulang at kapatid.

Inaasahang magsisilbing oportunidad ang pagtitipon upang matulungan ang mga OFW at kanilang pamilya na mapalago ang kanilang naipong pera at makapagsimula ng sariling negosyo o pangmatagalang kabuhayan sa bansa.

(DANNY BACOLOD)

157

Related posts

Leave a Comment