8 NAKAW NA MOTOR NAREKOBER SA KATAYAN SA LAGUNA

LAGUNA – Walong mga nakaw na motorsiklo ang nabawi matapos salakayin ng mga awtoridad ang isang lugar sa Barangay Looc, Calamba City, na ginagawang bagsakan ng nasabing nakaw na mga sasakyan noong Huwebes ng hapon.

Arestado rin sa operasyon ang dalawang suspek na kinilalang sina “Mark”, 21, at “Ay-R”, 25, kapwa residente ng Brgy. Looc, Calamba City.

Ang operasyon ay bunga ng impormasyong ibinunyag din ng mga suspek, na ang nasabing lokasyon ay ginagawang dismantling area o chop-chop area ng mga nakaw na motorsiklo.

Nagsimula ang intelligence-driven operation noong Martes, Agosto 12, ng mga tauhan Calamba City Component Police Station kasama ang Provincial Highway Patrol Team ng Laguna.

Sa follow-up operation noong Huwebes, Agosto 14, sa Calambeño Village, Brgy. Looc, nabawi ang walong motorsiklo na kinabibilangan ng mga sumusunod: pulang Suzuki Smash, magenta Mio Sporty, dalawang itim na Honda Wave 110, dilaw na Yamaha Mio, itim na Suzuki Smash, itim na Yamaha Xmax, at itim/gray na Yamaha Mio.

Ayon kay Laguna Police Acting Provincial Director PCol. Jonar Yupio, patuloy ang isinasagawang beripikasyon upang matukoy ang mga lehitimong may-ari ng nabawing mga motorsiklo.

(NILOU DEL CARMEN)

237

Related posts

Leave a Comment