UMAKYAT na sa walo katao ang iniulat na nasawi bunsod ng pinagsanib na epekto ng southwest monsoon o habagat, at tropical cyclones Butchoy at Carina sa malaking bahagi ng bansa habang nasa mahigit 800 libo naman ang apektado.
Kahapon, naglabas ng babala ang National Disaster and Risk Reduction Management Council hinggil sa posibleng mga pagbaha sa ilang mga lugar sa Luzon dala ng walang tigil na mga pag-ulan kaya pinag-iingat ang sambayanan.
Sa inilabas na situation report ng NDRRMC nitong Martes, Hulyo 23, pito sa walong iniulat na nasawi ang nakumpirma na.
Apat ang nagmula sa Zamboanga Peninsula at tig-iisa sa Northern Mindanao, Davao Region, at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Nagpapatuloy pa ang pagbeberipika sa ulat na may isa pang nasawi sa BARMM kasama ang dalawang sugatan at isang nawawala sa Region 10.
Kabilang din dito ang Ilocos Norte sa Region 1, Zambales, Bataan, Pampanga, at Bulacan sa Central Luzon, at probinsya ng Romblon sa MIMAROPA.
Ayon sa NDRRMC, nagbabanta ang matinding pag-ulan, pagbaha, at pagguho ng lupa sa naturang mga probinsya.
Dahil dito, pinag-iingat ng NDRRMC ang publiko sa naturang mga banta.
Pinayuhan din nito ang publiko na bantayan ang mga bagong direktiba o abiso ng mga lokal na pamahalaan.
Samantala, apektado ang 179,744 pamilya o 866,483 katao mula sa 642 barangay sa Mimaropa, Western Visayas, Central Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Davao Region, Caraga at BARMM dahil sa masamang panahon.
Hindi kasama sa ulat ang mga isinagawang preventive evacuation sa NCR partikular sa Maynila kung saan ilang libong katao ang inilikas at dinala sa ilang evacuation centers.
Nabatid na kahapon ay inalerto ng Armed Forces of the Philippines ang kanilang tatlong major service command para magsagawa ng mga paghahanda at prepositioning ng kanilang mga asset dahil sa posibleng paglulunsad ng humanitarian and disaster response sa apektadong mga lugar.
Ayon kay Army commanding General, Lt. Gen. Roy Galido, inatasan niya ang lahat ng Army Major Units and line units na makipag-ugnayan sa mga regional, provincial at municipal disaster and risk reduction management offices para maging bahagi ng Incident Command System (ICS) na pakikilusin sa Areas of Operations and Responsibilities na maapektuhan ng bagyo.
Inalerto naman ni Air Force commander, Lt. Gen. Stephen Parreño ang kanilang Tactical Operations Wing Northern Luzon, Tactical Operations Group 1, 2, and 3 at magsipaghanda sa posibleng Humanitarian Assistance and Disaster Response sa pakikipag-ugnayan sa mga local Office of Civil Defense.
Bulod dito, may anim na Rapid Response Teams ang PAF na nakaposisyon sa key locations sa Clark, Laoag, Palawan, Davao, Mactan, at Zamboanga, na pawang bihasa, sinanay at may mga karanasan at fully equipped para sa emergency response.
Maging ang Philippine Navy ay pinakilos din kahapon ni Vice Admiral Toribio Adaci na magsagawa ng mga kinakailangang paghahanda sa posibleng magiging epekto ng Bagyong Carina
Nasa Red Alert Status na rin ang DSWD Disaster Response Command Center (DRCC), kasabay ng pagbabantay sa epekto ng bagyong Carina at ang nagpapatuloy na pag-ulan dulot ng lumalakas na Habagat.
Una rito, nagkaroon ng pagpupulong ang DSWD sa pangunguna ni Disaster Management Group Undersecretary Diane Rose Cajipe, kung saan nakahanda na ang P2.5 billion na resources ng DSWD.
Mula sa naturang pondo, P103.34 million dito ay magagamit bilang standby funds.
Nakahanda rin ang P1.21 billion na halaga ng family food packs na handa nang ipamahagi sa mga mangangailangan. (JESSE KABEL RUIZ)
