CLICKBAIT ni JO BARLIZO
MAY pahabol na kalabit ang pinagmulan ng bulong sa atin tungkol sa kumalas sa isang kilalang politiko sa Lungsod ng Marikina.
Una, ipinaabot ng reliable source na tumiwalag na itong misis ni Sen. Koko na si Kat Pimentel sa kampo ng mga Teodoro. Ang dahilan daw: May nasagap itong chit-chat as in tsismis tungkol sa mga Teodoro na hindi niya matanggap. Sinangkalan ang tsismis, pero ang siste, base sa impormasyong natisod ng ating source, matagal nang plano ni Pimentel na kumalas sa mga taong dahilan kaya nakilala siya sa lungsod.
Matagal na rin umanong palihim na nakikipag-usap si Pimentel sa mga Quimbo. Sanib-puwersa laban sa mga Teodoro sa 2025 midterm elections? Malamang.
Eto pa sabi ng ating source. Tatakbo raw munang independent ang hindi sikat na si Kat bago makipagsanib-pwersa sa mga Quimbo para malaglag ang mga Teodoro.
Tingin tuloy ng ating source ay doble kara itong si Kat. Ang siste kasi, dagdag ng source, ginamit niya ang mga Teodoro para makilala ng mga taga Marikina tapos tumawid sa kabilang bakod.
Timbre pa sa atin ng isang kapitan, si Del de Guzman ang nagpakilala kina Kat at Koko sa mga Quimbo.
Kaya nang tumalon itong si De Guzman sa kampo ng mga Quimbo, lilipat at lilipat din talaga si Kat.
Sakaling totoo, aba napakasakit nito para sa mga nagbigay sa kanya ng panahon at pagkakataon para makilala siya sa Marikina.
Sa madaling sabi, hindi kilala si Kat sa Marikina at naging sikat lang nang madikit sa mga Teodoro. Ni hindi man lang daw naging maayos ang pagpapaalam dahil dinaan lang sa text. Tapos pinalabas pa raw na siya ang nilaglag.
Huwag daw magtaka, sabi ng nagbulong sa atin dahil may bahid na ang mga Pimentel ng katagang panggagamit.
‘Di ba, higpit-kapit ang asawa niyang si Koko kay Duterte. Naging Senate President pa nga. Nang matapos ang renda ni Digong sa kapangyarihan ay antemano siyang kumalas at nagkunwaring minority sa Senado.
Pero lihim na supporter din pala ni PBBM. Nangamoy ito nang nahirang itong si Kat bilang Special Envoy to the United Arab Emirates para sa Trade and Investments.
Naku po. Parang teleseryeng pampulitika na ito. Mula sa hindi sikat ay nakilala. Nanggamit tapos kumalas. Ngayon naging doble kara.
Sabagay sa takbo ng buhay, ang manggagamit ay mapagpanggap.
“Balatkayo lahat ang buhay sa mundo. Nakangiti kahit hindi totoo.” Linya ito ng kantang Balatkayo na pinasikat ni Anthony Castelo, ha.
90