15-ANYOS RIDER, ANGKAS PATAY SA TRACTOR HEAD

CAVITE – Patay ang isang 15-anyos na rider at angkas nito nang mabangga ang sinasakyan nilang motorsiklo ng isang tractor head matapos pumasok sa kabilang lane ng kalsada sa bayan ng Silang sa lalawigan noong Sabado ng madaling araw.

Naisugod pa sa Estrella Hospital ang biktimang si Mickaella Baysa y Mendoza, 15, at angkas nito na si Melboy Biceda y Haplic, 30, subalit kapwa namatay habang nilalapatan ng lunas.

Kinilala naman ang driver ng Mercedes Benz 206 tractor head na si Ray Anthony, 32-anyos.

Ayon sa ulat, binabagtas ng mga biktima at suspek ang kahabaan ng East-West Road, sakop ng Brgy. Litlit, Silang, Cavite, sa magkasalungat na direksyon dakong alas-3:30 Sabado ng madaling araw.

Ngunit pumasok ang motorsiklo ng mga biktima sa kabilang lane ng kalsada dahilan upang bumangga ito sa tractor head.

Bunsod nito, tumilapon ang mga biktima mula sa motorsiklo dahilan ng matinding pinsala sa kanilang ulo.

Mabilis namang nagresponde ang MDRRMO at isinugod ang dalawa sa ospital subalit namatay ang mga ito habang nilalapatan ng lunas. (SIGFRED ADSUARA)

40

Related posts

Leave a Comment