CAYETANO BINIGYANG-DIIN ‘YEAR-ROUND’ NA KAHANDAAN SA SAKUNA

BINIGYANG-DIIN ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang kahalagahan ng buong-taong kahandaan sa sakuna sa gitna ng banta ng Bagyong Inday.

Sa isang Facebook livestream noong Hulyo 9, ipinasilip ni Cayetano sa mga manonood ang pagpupulong ng mga opisyal ng Taguig City upang i-coordinate ang magiging tugon ng lungsod sakaling tumama ang bagyo sa lugar.

Gayunman, sinabi ng senador na bahagi lamang ang naturang pagpupulong ng “year-round” na pagtatrabaho ng lokal na pamahalaan upang matiyak ang kahandaan ng lungsod sa anumang kalamidad at mabawasan ang mga panganib.

“Ito ay emergency meeting para sa preparation sa landfall. But the message is not that we’re preparing, but that we’re prepared. Iba ang paghahanda, iba ang handa na,” ani Cayetano.

Ayon kay Cayetano, na asawa ni Taguig City Mayor Lani Cayetano, komprehensibo at buong-taon ang approach ng lungsod sa disaster management.

Kabilang dito ang paglilinis ng mga daluyan ng tubig, pagsisiyasat sa kaligtasan ng mga bubong, mahigpit na pagpapatupad ng building at land-use regulations, at pagbibigay-babala laban sa illegal electrical connections na maaaring magdulot ng sunog.

Sinabi rin ng senador na mahalaga ang pakikiisa ng publiko sa epektibong disaster management.

“I want to thank yung constituents natin kasi kahit anong galing ng leader, kung y’ung constituents, kung yung mga taumbayan hindi nagko-cooperate, wala rin mangyayari,” aniya.

Matagal nang isinusulong ni Cayetano ang mas maigting at komprehensibong pagtugon ng bansa sa mga sakuna.

Sa 20th Congress, inihain niya bilang isa sa kanyang priority measures ang Senate Bill No. 105 o ang proposed Emergency Response Department Act na naglalayong lumikha ng isang dedicated department na buong-taong magpaplano, tutugon, at tutulong sa mga komunidad na makabangon mula sa mga kalamidad.

Una niyang inihain ang kaparehong panukala noong 2013 matapos ang pananalasa ng Super Typhoon Yolanda at mula noon ay paulit-ulit na itong inihahain sa Kongreso.

“Kailangan pagdating sa pagmi-mitigate ng mga disasters at saka pagdating sa rehabilitation, may isang natuturo, may isang accountable, at isang nakatutok talaga d’yan,” nauna nang sinabi ni Cayetano.

Pinasalamatan din ng senador ang dedikasyon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at iba pang disaster responders sa Taguig at sa iba pang bahagi ng bansa.

“Let me honor not only the NDRRMC, but every single group that has been meeting, not only today, but others over the weekend, depending on the area, especially in the north,” ani Cayetano.
Hinimok din niya ang publiko na ipagdasal ang kaligtasan ng mga pamilyang maaaring maapektuhan ng bagyo at ng mga responder.

“Pray for safety for everyone. Pati po y’ung mga emergency responders, barangay, konsehal nawawalan din ng bahay. Ang hirap mag-respond kung y’ung mismong nagre-respond ay problemado din,” aniya.

Nanawagan din si Cayetano ng panalangin para sa pagbabago sa bansa, kasabay ng pahayag na ang pagbaha ay dulot ng pang-aabuso sa kalikasan at kakulangan sa maayos na flood control.

“Kung ano ang itatanim, ‘yan din ang aanihin. So kung may massive urbanization, kung saan-saan nagtatambak, reclamation, mga estero, mga riverbeds, tapos mayroon pang graft and corruption sa ghost flood projects, babaha talaga,” ani Cayetano.

“Pray that there’s a real change, repentance, renewal, reformation in our country,” dagdag niya.

67

Related posts

Leave a Comment