SAMPU katao, kabilang ang ilang bata, ang iniulat na nasawi sa landslide na dulot ng Bagyong Inday at pinalakas na epekto ng Southwest Monsoon o Habagat sa Barangay Poblacion sa bayan ng Malapatan, Sarangani Province.
Ayon kay Office of Civil Defense (OCD) Region XII Director Rodrigo Sosmeña, nakatanggap sila ng inisyal na ulat bandang alas-10:30 ng umaga hinggil sa naganap na landslide sa lugar.
“Reported ito kaninang umaga bandang alas-diyes nang makarating sa amin ang report. Sa Poblacion ng Malapatan nagkaroon ng landslide,” ani Sosmeña.
Ipinaliwanag ng opisyal na hinila ng Bagyong Inday ang Habagat na nagdulot ng malalakas na pag-ulan at saturation ng lupa na naging sanhi ng pagguho ng lupa.
“Sa kasamaang-palad, may sampung indibidwal ang nasawi matapos matabunan ng landslide,” aniya.
Nabatid na kabilang sa mga nasawi ang mga miyembro ng dalawang pamilya na natabunan matapos matamaan ng gumuhong lupa ang kanilang bahay.
“Actually, dalawang pamilya yata ang involved dito at narecover naman na lahat. Kaninang umaga kasi pito lang ang na-report sa amin pero ngayong hapon ay sampu na ang patay,” dagdag ni Sosmeña.
Nilinaw rin ng OCD official na hindi pa nila ganap na nakukumpirma kung naganap ang landslide noong gabi, madaling-araw o umaga.
Bukod sa landslide, nakapagtala rin ng mga pagbaha sa ilang lugar sa Region XII, partikular sa Sultan Kudarat, bagamat wala pang naiuulat na nasawi kaugnay nito.
(JESSE RUIZ)
69 