PILIPINAS KINONDENA PAHAYAG NG ILANG CHINESE SCHOLARS NA PAG-AARI NG CHINA ANG BATANES

MARIING kinondena ng pamahalaan ng Pilipinas ang panibagong revisionist narrative ng ilang Chinese scholars na nagsasabing bahagi umano ng teritoryo ng China ang Batanes dahil ito ay extension ng Taiwan na itinuturing nilang isang probinsiya ng Beijing.

Mariing itinanggi ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang naturang pahayag at iginiit na matagal nang malinaw at hindi mapag-aalinlanganan ang soberanya ng Pilipinas sa lalawigan ng Batanes.

Ayon kay Defense Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro Jr., dapat agad at mariing salungatin ang naturang naratibo at imulat ang mga like-minded nations sa aniya’y taktika ng China.

Aniya, mahirap paniwalaan ang naturang pahayag dahil wala itong batayan sa batas at sa realidad.

Sinabi rin ni Teodoro na suportado niya ang posisyon ng National Security Council (NSC) at ng DFA na agad na tutulan ang inilabas na pahayag ng ilang Chinese scholars, kabilang si Ju Hailong, Dean of the School of International Studies ng Jinan University, matapos ang isinagawang symposium sa Guangzhou.

Sa naturang symposium, sinabi umano na ang Batanes Islands ay isang natural geographical extension ng Taiwan at samakatuwid ay bahagi ng China.

“Kasi, number one, hindi lamang ito labag sa international law at sa ating Saligang Batas kundi labag din sa normal na pag-iisip ng tao,” ani Teodoro.

Kaugnay nito, sinabi naman ni National Security Adviser Eduardo Año na walang anumang batayan ang pag-angkin ng China sa Batanes.

“We view with serious concern reports that Chinese scholars are advancing the notion that Batanes belongs to China,” ayon kay Año.

Ayon sa opisyal, hindi maaaring balewalain ng bansa ang paulit-ulit na pagpapakalat ng maling naratibo dahil maaari itong magdulot ng kalituhan at magkaroon ng epekto sa usapin ng pambansang seguridad.

Napansin din aniya na lumabas ang naturang pahayag halos kasabay ng paggunita sa ika-10 anibersaryo ng 2016 South China Sea Arbitral Award at sa pagpapalalim ng ugnayang pang-ekonomiya at pangdepensa ng Pilipinas at Japan.

Samantala, sinabi ni Foreign Affairs spokesperson Analyn Ratonel na hindi na dapat bigyan ng dignidad ang mga “flights of fancy” na pahayag ngunit nananatiling malinaw na ang soberanya ng Pilipinas sa Batanes ay hindi na dapat pagtalunan.

“Flights of fancy should not be dignified with a response. Nevertheless, the Philippines’ sovereignty over Batanes is settled and not up for debate,” ani Ratonel.

Idinagdag pa niya na hindi papatulan ng Pilipinas ang mga revisionist claims sa teritoryo nito at hinikayat ang mga tinaguriang scholars na ituon ang kanilang pag-aaral sa mga seryoso at makabuluhang usapin sa rehiyon.

Binanggit din ni Ratonel na kabilang ang Batanes sa consular district na sakop ng Chinese Consulate General sa Laoag, na aniya’y patunay na kinikilala mismo ng China ang hurisdiksyon ng Pilipinas sa lalawigan.

Sa ulat ng Guangdong-based media outlet na Newsgd, sinabi na nagkaisang iginiit ng ilang Chinese scholars mula sa iba’t ibang unibersidad sa China na ang Batanes Islands ay isang natural geographical extension ng Taiwan at ang soberanya nito ay pag-aari ng China.

Sa hiwalay na pahayag, tinawag naman ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang naturang mga pahayag bilang “disinformation” at “outlandish narratives.”

(JESSE RUIZ)

76

Related posts

Leave a Comment