BINISITA ni Senador Mark Villar ang Grade 8 student ng Las Piñas National High School na patuloy na nagpapagamot matapos saksakin ng kapwa menor de edad sa Barangay Elias Aldana, Las Piñas City.
“Personal kong binisita ang biktima upang kamustahin ang kanyang kalagayan at ipaabot ang tulong sa kanyang pamilya. Patuloy nating ipagdarasal ang kanyang agarang at ganap na paggaling,” ani Villar.
Ayon sa senador, dapat magsilbing babala ang insidente upang mas paigtingin ang pagkilos laban sa lumalalang karahasan na kinasasangkutan ng mga kabataan sa bansa.
Binigyang-diin niya na may karapatan ang bawat batang Pilipino na makapag-aral, lumaki, at mangarap sa isang ligtas at mapagkalingang kapaligiran.
“Hindi natin maaaring hayaang maging normal ang karahasan sa ating mga kabataan. Sama-sama nating wakasan ang kultura ng karahasan at palitan ito ng kultura ng pag-aaruga, paggalang, at malasakit,” dagdag ni Villar.
Iginiit ng senador na hindi sapat ang paghihigpit lamang sa seguridad upang maiwasan ang mga kahalintulad na insidente.
Aniya, kinakailangan ding palakasin ang mga programa sa mental health, guidance counseling, at youth intervention upang matugunan ang mga suliraning kinahaharap ng mga kabataan bago pa ito humantong sa karahasan.
“Kailangan nating higit pang palakasin ang ating mga programa sa mental health, guidance counseling, at youth intervention. Hindi lamang natin dapat hintayin na may mangyaring trahedya bago tayo kumilos. Dapat nating gabayan ang ating mga kabataan, pakinggan ang kanilang mga pinagdaraanan, at bigyan sila ng sapat na suporta at mga oportunidad upang makaiwas sa landas ng karahasan,” ani Villar.
Muli ring nanawagan si Villar para sa agarang pagpasa ng kanyang panukalang Students’ Guidance Counseling Act na naglalayong palakasin ang mga school-based mental health program at palawakin ang access ng mga mag-aaral sa mga lisensyadong guidance counselor, psychologist, school social worker, at iba pang psychosocial support services sa mga paaralan sa buong bansa.
“Kapag pinagtibay natin ang suporta sa mental health at mas napaigting ang paggabay sa ating mga kabataan, mas mabibigyan natin sila ng pagkakataong makagawa ng mabubuting desisyon at magkaroon ng mas maliwanag na kinabukasan. Responsibilidad nating lahat — mga magulang, guro, pamahalaan, at buong komunidad — na tiyaking ang bawat kabataan ay lumalaki sa isang ligtas, mapagkalinga, at may pag-asang kapaligiran,” pagtatapos ni Villar.
(DANNY BACOLOD)
76 