IMPEACHMENT TRIAL NAKAAYON SA BATAS, HINDI SA 2028 POLITICS – MALAKANYANG

IGINIIT ng Malakanyang na ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte ay nakaayon sa batas at hindi bahagi ng anumang plano upang pigilan siyang tumakbo sa 2028 presidential elections.

Ito ay kasunod ng pahayag ni Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte na naniniwalang ang impeachment laban sa kanyang kapatid ay may layuning hadlangan itong tumakbo sa 2028 elections.

Sa isang panayam habang nasa The Hague, Netherlands, inamin ng alkalde na hindi niya sinusubaybayan ang impeachment trial na nagsimula noong Lunes dahil, aniya, matagal nang nakaplano ng administrasyon ang naturang hakbang.

Ayon kay Mayor Duterte, itinutulak ang impeachment dahil nais umano ng mga nasa likod nito na manatili sa kapangyarihan.

Aminado rin aniya ang kanilang pamilya na wala silang magagawa kung mauuwi sa impeachment ang kaso ng bise presidente.

Bilang tugon, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na tungkulin ng pamahalaan na pairalin ang batas at papanagutin ang mga inaakusahan ng paglabag dito.

“Do they want the government not to take action, not to follow what the law says, and allow those accused of committing crimes against the nation to escape and get away with it?” ani Castro sa isang Viber message sa mga mamamahayag.

Idinagdag pa ni Castro na sa halip na igiit na sila ay biktima ng political persecution ay dapat sagutin ng kampo ng bise presidente ang mga alegasyon laban dito.

“Why don’t they directly answer the accusations instead of just repeatedly claiming that they are being politically persecuted? Have they heard the Vice President deny the issue of misusing public funds and her admission that she was communicating with a killer to carry out a killing?” ani Castro.

Binigyang-diin din ni Castro na pinaiiral lamang ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kapangyarihan nito alinsunod sa batas, taliwas aniya sa mga alegasyon ng pang-aabuso sa kapangyarihan.

“Let us remember that punching a sheriff who was merely performing his duty is the true abuse of power,” ayon kay Castro.

Tinukoy ni Castro ang insidente noong 2011 kung saan umano’y sinuntok ni Vice President Duterte ang isang court sheriff habang alkalde pa siya ng Davao City.

(CHRISTIAN DALE)

70

Related posts

Leave a Comment