LAW OFFICE SA CAVITE, NILOOBAN

CAVITE – Nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya hinggil sa panloloob sa isang law office kung saan tinangay ang mahigit P27,000 na pondo ng opisina sa Tagaytay City noong Miyerkoles ng umaga.

Ang nilooban ng ‘di pa nakikilalang mga suspek ay ang Sumagui Law Office and APC Lending Company sa Brgy. Mendez Crossing East, Tagaytay City.

Ayon sa ulat, pumasok si Atty. Henry Tuazon sa kanilang tanggapan bandang alas-7:00 ng umaga subalit bumungad sa kanya ang nagkalat na mga papeles sa kanilang cabinet at drawers kaya agad niyang tinawagan ang isang Marites Carlos na siyang humingi ng assistance sa pulisya.

Nabatid sa imbestigasyon, tinatayang P27,155 cash fund ng opisina, at cellphone na Realme C67 ang natangay ng mga suspek.

Hindi naman tinukoy sa report kung paano nakapasok ang mga suspek.

Patuloy ang isinasagawang backtracking ng pulisya sa closed circuit television (CCTV) para sa pagkakakilanlan sa mga suspek. (SIGFRED ADSUARA)

14

Related posts

Leave a Comment