QUIMBO BINATIKOS SA PAKIKIALAM SA PAMAMAHAGI NG AYUDA

INULAN ng batikos si Marikina 2nd District Rep. Stella Quimbo matapos makunan ng video na namimigay ng cash ayuda na galing sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Sa viral video na pinost ng isang Krizette Laureta Chu, makikita ang nakangiting si Quimbo habang binibilang ang ayuda bago iabot sa isang benepisyaryo. Inilarawan ng isang netizen ang ginawa ni Quimbo bilang galawang trapo, kasabay ng panawagan sa mga taga-Marikina na huwag magpabudol sa mambabatas at huwag magpasilaw sa ayudang ibinibigay nito na galing sa buwis ng taumbayan.

“Sa una lang yang bigay na ayuda pero tatlong taon din yan nilang babawiin sa inyo. At ang pera isang lingo lang yan mauubos na pero tatlong taon nyo yan paghihirapan na walang improvement sa lugar niyo,” wika ng netizen.

“Kapal talaga ng mukha ni madam chair….harap-harapan na nga, pano pa kaya pag nakatalikod, pinagtatawanan ang mga bumuto sa kanya!” dagdag naman ng isa pang netizen.

Kapuna-puna rin ang mamahaling relo ni Quimbo na kitang-kita habang binibilang niya ang perang pang-ayuda.

“Mas mahal pa ata yung relo niya sa pinamigay ng DSWD chair ng araw na yan,” komento ng isang netizen.

“Perang binigay nila sa inyo… isang relo lang nila. Ano pa kaya yung mga sasakyan, bahay, damit, etc.,” hirit naman ng isa pa.

Magugunitang may isang concerned citizen ang naghain ng reklamo sa Office of the Ombudsman laban kay Quimbo dahil sa maluho umano itong pamumuhay.

Ang nasabing reklamo ay may docket na TN-C-24-1087-E at ni-refer na sa tanggapan ni Caroline de Leon, officer in charge ng Central Records Division ng Office of the Ombudsman.

Bago ito, hiniling ni dating presidential spokesperson at legal counsel Salvador Panelo sa Ombudsman na silipin ang “unexplained wealth” ni Quimbo na naglitawan mula nang siya’y maging kongresista.

Para naman kay Manila Times columnist Rigoberto Tiglao, na dati ring presidential spokesperson, walang kakayahan si Quimbo na tustusan ang kanyang maluhong pamumuhay at mamahaling gamit na aabot sa halos P100 milyon ang halaga.

12

Related posts

Leave a Comment