BISTADOR ni RUDY SIM
GAYA ng inaasahan, tuluyan na ngang naganap ang pinaka-aabangang rigodon ng mga opisyales ng International Ports of Entry (IPEE) and Exit sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA). Kasama rin sa agad na pinunan ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang pwesto ng Over-all Head, Border Control and Intelligence Unit ( BCIU) sa katauhan ni Senior Immigration Officer Ferdinand Tendenilla.
Bagama’t maraming nagtataka kung bakit may sumulpot na bagong posisyon sa IPEE gaya ng Duty Managers, tila nakaligtaan yata maglabas ng bagong Administrative Order ni Comm. Viado para i-define ang nakatokang duties and functions nito. ‘Di kasi naman, bukod sa Terminal Heads ay nariyan pa rin ang kanilang deputies at Duty Immigration Supervisors (DIS) kaya maraming nagulantang kung saang lupalop nagmula ang posisyon ng Duty Managers (DM) sa airport.
Hindi ba redundancy na ang pagkakaroon ng DM kada shift gayung nandiyan naman ang mga bisor na pwede mag-delegate ng utos galing sa Terminal Heads at Deputies? Biro nga ng isang tulisang urot sa airport, lumawig lang daw ang “hatian” na mangyayari o ‘di kaya ay baka lalo lang magkabukulan sa hinaharap. Oo nga naman!
‘Yun naman mga nasa provincial ports, kasalukuyan pa ring naghihintay ng rigodon sa panig ng mga ito kaya panay na ang dalangin at nobena ng ilan sa kanila upang mapanatili sa pwesto. Sayang naman ang ipinuhunan na paninira nina Ambisyosang Yokaba at ng bespren nitong si Cheesemosa Pandakekak! Hindi pa man sila nag-iinit sa kanilang pwesto ay nanganganib na silang na ma-shoot sa banga!
Samantala, marami raw ang nagtataas ng kilay sa main office at hindi pa rin nililigwak sa kanilang pwesto ang mga batikang tirador sa opisina ni Kume Tan5. ‘Di raw ba aware si Comm. Viado sa karakas nina Jenjen Bansosita, Done Deal Barabas at Donya Bolitas na namayagpag nang husto sa mga tongpats na transaksyon sa OCOM. Kumusta na kaya ang resort na ipinagagawa ni Donya sa kanilang poor-binsya? Natapos na kaya? Resort at farm daw ang destinasyon ng mga kinita nitong si Donya Bolitas at Anita Burikat. Retirement resort para sa pamilya at piggery farm sa alagang fafah. How true?
Mga katropa, sino kaya itong bata ng naligwak na BI commissioner, na halos lumuhod umano para hindi ito masipa sa Office of the Commissioner? Noong panahon ni Kume Morente sa nakaraang administrasyon ay isa lamang itong uhugin na staff noon ng dating deputy na si Mang Kanor at hanggang umupo na nga itong kanyang kababayan na si Tan5 ay kinuha itong tagakamot ng kanyang tumbong at sa kanyang kasipsipan ay halos ito raw ang naging “Bagman” ni Kume Tan5 kung kaya’t sa loob lamang ng dalawang taon ay nakapundar na ito ng isang malaki at first class na resort sa kanilang bayan sa Samar na nagkakahalaga ng ilang milyong piso at mansion na ipinagagawa nito?
Ano kaya ang dahilan at bakit ayaw nitong magpalipat ng opisina? Talaga bang talentado itong si alias “Dun” sa paggawa ng pagkakaperahan sa OCOM? Aba ‘wag ninyo abusuhin ang kabaitan ng bagong Commissioner na si Atty. Joel Viado porket wala itong alam sa mga kalokohan ninyo.
Para sa inyong sumbong at reaksyon, maaaring i-text ako sa 09158888410.
(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)
