BOC NAGDEKLARA NG ‘ALL-OUT WAR’ KONTRA SMUGGLING

NAGDEKLARA ang Bureau of Customs (BOC) ng “all-out war” laban sa smuggling kasabay ng mahigpit na pagpapatupad ng one-strike policy sa mga tauhang masasangkot sa katiwalian.

Ayon kay BOC Commissioner Ariel Nepomuceno, magsisilbing matinding babala sa mga smuggler ang sunod-sunod na pagkakasabat ng bilyun-bilyong pisong halaga ng mga puslit na sigarilyo.

Binigyang-diin ng komisyoner na nananatiling umiiral ang zero tolerance policy sa loob ng ahensya at agad na matatanggal sa serbisyo ang sinumang empleyadong mapatutunayang sangkot sa ilegal na aktibidad.

Ayon pa sa BOC, lalo pang nagiging sopistikado ang operasyon ng mga smuggling syndicate, kabilang ang paggamit ng mga pribadong sasakyang-pandagat upang makalusot sa mga awtoridad.

Dahil dito, inatasan ang lahat ng district collectors na paigtingin ang intelligence gathering, risk profiling at enforcement operations.

Palalakasin din ng BOC ang koordinasyon nito sa Philippine Coast Guard, Philippine Navy, Philippine National Police, National Bureau of Investigation at mga lokal na pamahalaan upang higit pang mapigilan ang smuggling.

Kasabay nito, tiniyak ng ahensya ang pagpapatuloy ng modernisasyon ng Bureau of Customs at pagpapalakas ng intelligence-driven enforcement operations laban sa mga smuggling syndicate.

(JESSE RUIZ)

103

Related posts

Leave a Comment