DRUG WAR, EJKs, KORUPSYON

KAPE AT BRANDY ni Sonny T. Mallari

MAY isang panahon na naging tagahanga ako ni G. Rodrigo “Digong” Duterte. Ito ay noong kampanyahan sa presidential election noong 2016. Ibang klaseng politiko kumpara sa mga tradisyunal lalo na ang mga salitang lumalabas sa kanyang bibig. Parang nag-aapoy na bulkan na sumasabog.

Minsan ko lang nakober si Duterte noong campaign period. Malupit na culture shock ang tumama sa akin. Mabuti na lang kako at taga Davao City siya. Dahil kung naging taga-Quezon at madalas kong isusulat ang mga “putang ina”, “gago”, “bugok” etc. mula sa kanyang bibig, malamang ay labas-pasok ako sa simbahan para magdasal na patawarin siya ng Panginoong Diyos sa kanyang mga sinasabi. Hindi kasi ako sanay na makarinig ng “tungayaw” o pagmumura gamit ang ganitong lengguahe mula sa opisyal ng gobyerno.

##########

Pero maski na humanga ako, hindi ko ibinoto si Duterte. At hindi ako nagkamali sa aking desisyon.

Sa anim na taon ng kanyang termino bilang presidente – bumaha ng dugo mula sa malagim na pagpatay ng mga awtoridad o “extra-judicial killings” sa pinaghihinalaang drug users at pushers sa ilalim ng “Oplan Tokhang”, ang bandera ng Philippine National Police sa madugong giyera laban sa ilegal na droga ng administrasyong Duterte.

Batay sa mga ulat ng PNP, tinatayang nasa 6,000 ang napatay ng mga alagad ng batas dahil “nanlaban” daw samantalang sa independenteng datos, umaabot sa 30,000 ang mga naging biktima ng EJKs sa panahon ni G. Duterte.

Ang mabangis na giyera sa droga na nagresulta ng malawak na EJKs ang siyang pokus ngayon ng imbestigasyon ng Kongreso. Hindi ko na kailangang idetalye pa rito ang mga naging kaganapan sa patuloy na isinasagawang imbestigasyon dahil laman ito ng araw-araw na mga balita.

Ngunit sa kabila ng madugong drug war ni Duterte, bakit patuloy at lalong lumawak ang negosyo ng ilegal na droga? Sang-ayon sa news reports at rebelasyon ng mga kasangkot, ang mga pinatay na big-time drug traffickers ay pinalitan lang ng mga bagong alipores ng Malakanyang sa administrasyon ng dating alkalde ng Davao City.

Tinodas lang ang mga karibal sa negosyo para masolo nila ang multi-bilyong pisong merkado ng shabu, marijuana at iba pang uri ng ilegal na droga sa bansa.

##########

Malintik na ang record ni G. Duterte noong panahon niya sa Malakanyang – drug war at EJKs – gayundin ang malawak umanong korupsyon at marami pang anomalya, hindi naman nagpapahuli ngayon ang kanyang anak na si Vice President Sara Duterte na minsang naging secretary rin ng Department of Education sa administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos.

Sa kanyang press conference nitong nakaraang linggo, bumubuga rin ng apoy ang ilang pahayag ni VP Sara laban sa pamilya ni Pangulong Marcos

“Kung ‘di kayo tumigil, huhukayin ko ‘yang tatay ninyo, itatapon ko siya sa West Philippine Sea…one of these days, pupunta ako doon (Libingan ng mga Bayani), kukunin ko ‘yang katawan ng tatay ninyo”. Si Digong kasi ang presidenteng pumayag na ihimlay si Apo Ferdie sa Libingan ng mga Bayani.

Walang kyeme-kyeme, sinabi rin ni VP Sara na minsan ay gusto na niyang tanggalan ng ulo si PBBM. “Hindi marunong maging presidente ang nakaupo!” ang batikos pa niya.

Marami ang nagulat sa binitiwan niyang mga salita. Pero hindi na ako nagtaka. Pinatunayan lang niyang anak siya ng kanyang tatay.

##########

Maliit lang ang pinagsimulan nito – ang budget ng Office of the Vice President. Batay sa ulat ng Commission on Audit, may mga anomalya umano sa paggastos ng pondo sa tanggapan ni VP Sara. Nahalukay rin ang iba pang baho sa paggamit ng pondo ng DepEd noong siya pa ang namumuno nito.

Dahil ang Kongreso ang bumubusisi ng mga pondo, hinihingan si VP Sara ng paliwanag kung saan at paano niya ginastos ang salapi ng taong-bayan. Pero dedma lang siya. Ayaw magpaliwanag. Ang argumento niya ay talagang sinisikil siya ng Malakanyang at kasangkapan lang ang Kongreso.

Samantala, patuloy ang panonood ni Juan de la Cruz sa mga paek-ek ng mga inihalal nila sa posisyon habang papalapit na naman ang isa pang eleksyon.

Huwag sana tayo muling mabudol.

16

Related posts

Leave a Comment