4 SUGATAN, 21 LAWLESS ELEMENTS NADAKIP SA NORTH COTABATO

APAT katao ang nasugatan kabilang ang isang sundalo, habang 21 hinihinalang pawang mga kasapi ng armed lawless elements ang nadakip matapos ang isang oras na sagupaan sa Barangay Bagolibas, Aleosan, North Cotabato, bandang alas-4:00 ng hapon noong Huwebes.

Ayon kay Lt. Col. Edgardo B. Batinay, pinuno ng 34th Infantry (Reliable) Battalion, nasupil ng Philippine Army ang planong paghahasik ng karahasan ng mga armadong pangkat dahil sa mabilis na tactical offensive na kanilang inilunsad.

Una rito, nakatangap ng sumbong mula sa local residents ang military hinggil sa armadong kalalakihan na sakay ng dalawang multicab, isang pick-up, at tatlong motorsiklo.

Pinamumunuan umano ang grupo nina alyas “Montasser” at “Nasser” na patungo sa Sitio Tubak, Barangay Pagangan ng nasabing bayan.

Agad naglunsad ng operasyong militar ang tropa ng 34IB, na nauwi sa mahigit isang oras na bakbakan.

Sa naturang sagupaan, tatlo sa hanay ng kalaban ang sugatan, habang isang sundalo naman ang nasugatan mula sa panig ng pamahalaan.

Naaresto ng militar ang 21 katao na kasapi ng lawless elements, at nasamsam mula sa kanila ang pitong matataas na kalibre ng baril, kabilang ang limang M16 rifles at dalawang M14 rifles. Nakuha rin ang isang granada, pitong bandolier, mga bala, magasin, at mga sasakyang ginamit nila.

Pinuri ni Major General Antonio G. Nafarrete, commander ng 6th Infantry (Kampilan) Division at Joint Task Force Central, ang kabayanihan ng mga sundalo, lalo na si Cpl. Roy Villaber, na nasugatan sa labanan at ngayo’y nasa maayos nang kalagayan. Pinasalamatan din ng Division Commander ang maagap na pagsusumbong ng mga residente hinggil sa namataang armadong grupo.

“Ang kabayanihan ni Cpl. Villaber at ng kanyang mga kasamahan ay patunay ng walang kapantay na pagsisilbi ng ating mga kasundaluhan. Ang kanilang kahandaan na isakripisyo ang buhay ay nagpapatunay ng kanilang dedikasyon sa pagtatanggol ng ating bayan laban sa mga elementong nais maghasik ng kaguluhan. Patuloy nating ipaglalaban ang katahimikan at seguridad na tinatamasa ng ating mga komunidad sa kabila ng mga banta sa kapayapaan,” ani Major General Nafarrete. (JESSE KABEL RUIZ)

80

Related posts

Leave a Comment