“PHISHING” SA MAYA, NETIZENS NAALARMA

MAYNILA—Inamin ng digital bank na Maya sa isang pahayag na inulan ito ng serye ng mga phishing scam nitong mga nakaraang buwan, matapos dumagsa ang reklamo ng mga netizen sa social media na nalimas umano ang kanilang pera na nakalagak sa application.

Ayon sa mga netizen, nanakaw umano ang pera nila sa application sa pamamagitan ng “auto cash-in” feature ng Maya, na hindi pinahintulutan o alam ng mga gumagamit ng app.

Dagdag pa nila, inabisuhan umano sila ng mga kinatawan ng Maya na hindi na nila makukuha ang mga nawawalang pera at hindi rin aabonohan ng Maya ang mga nawalang halaga.

Ayon sa isang Facebook user, nakatanggap umano siya ng mga text mula sa Maya nitong mga nakaraang buwan, na may lamang phishing links na kayang magnakaw ng mga account kapag binuksan.

“I am a victim, too. Auto cash-in ang nangyari sa savings account ko. I lost [P83,000] and [P5,000] in Maya credit. Template lang ang response nila and no refund daw,” saad ng isang netizen sa social media.

“Goodbye [P266k]. Hanggang now wala pa rin refund or anything December 5 pa ‘to nangyari,” dagdag pa ng isa.

Inamin ng Maya na totoo umano ang mga naitalang insidente ng phishing sa application nito sa isang pahayag at sinabing nakikipag ugnayan umano sila sa mga awtoridad upang maresolba ang isyu.

“We urge everyone to remain vigilant and report any suspicious activity to our official channels,” saad ng Maya.

[Hinihikayat namin ang lahat ng maging mapagmatyag at ipamalita sa kompanya ang anumang kahina-hinalang aktibidad.]

Ayon sa anti-scam application na Gogolook, lumobo ng 200 porsyento ang mga scam call at messages sa unang walong buwan ng 2024 sa Pilipinas.

Nakakaranas din umano ng 3.9 bilyon cyber attacks araw-araw ang Pilipinas base sa datos mula sa Cloudflare.

18

Related posts

Leave a Comment