REBISYUNISMO SA MARCOS ADMIN

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

ILALABAS na ngayong Lunes ang bagong polymer banknote o bagong pera ng Pilipinas.

Maaari nang makuha ang bagong polymer banknotes na inilabas ng Bangko Sentral ng Pilipinas, pero limitado lang sa Greater Manila area.

Magsisimula sa Enero 2025 ang pambansang sirkulasyon ng bagong disenyo ng 50, 100 at 500 piso na gawa sa polymer kaya asahang malutong ang salubong sa bagong taon.

Bagong disenyo lang ‘yan, pero ganun pa rin ang halaga at madali ring gastusin sa taas ba naman ng mga bilihin.

Bagong pera pero butas pa rin ang bulsa ng madla.

Teka, pag isyu tungkol sa pera ay lagi maraming pumupuna at umaalma.

Tanggalin ba naman ang mukha ng mga dating pangulo at bayani sa disenyo nito, at ipinalit ang larawan ng ilang hayop na sa Pilipinas lang makikita.

Tuloy, hati na naman ang bansa, na gutay-gutay na sa mga problema ay inuuna pang atupagin ang palit-disenyo ng pera.

Paliwanag ng BSP, mahalaga rin daw bigyang-pansin sa bagong pera ang mga hayop at halamang sa bansa lang makikita. May kabuntot na rason – ang mga bagong bill na P50, P100, at P500 ay smarter, cleaner, and stronger. Hirit na paliwanag: Mas ligtas daw ito sa pamemeke at hindi madaling masira.

Sabi pala ng BSP, sa ngayon hindi aalisin at ihihinto ang paggawa ng perang papel na may mukha ng mga bayani at naging lider.

May pahiwatig ang ‘sa ngayon.’

Kay sarap sigurong salatin ang plastic na datung lalo kapag sa AKAP galing.

‘Yan na! Malutong na inalmahan ang pagtanggal ng mga dating lider at bayani sa disenyo nito.

Lalong lumutong ang haka-haka na ang bagong pera ay isa ring baytang ng hagdan tungo sa pagbabago ng kasaysayan.

Nais ba talaga ng administrasyon ngayon na baguhin ang kasaysayan at burahin sa alaala ng mga tao?

Kalimutan na lang ang mga bayani at dating lider?

Ang masaklap ay mas matatandaan at maaalala ng mga susunod na henerasyon ang mga hayop.

Hayop sa galing ang nag-isip at nagdesisyon ng palit hayop sa mga lider at bayani.

Ang mga bayani ay hindi dapat binubura.

Mas mahalaga bang makilala ng mga Pilipino ang mga hayop kaysa kabayanihan ng dakilang Pilipino?

Sabagay, hindi na ata uso ang kabayanihan sa pamahalaan. Kahayukan, este kahayupan ang umiiral.

Ayan, problema ng kahirapan ang imahe ng buhay at ng bansa.

126

Related posts

Leave a Comment