NANANATILING buhay ang pagmamahal ng masang Pinoy kay Da King na pinatutunayan sa mainit na pagtanggap sa FPJ Panday Bayanihan partylist na kinakatawan ng kanyang apong si Brian Poe.
PATULOY na umaani ng suporta sa masa ang FPJ Panday Bayanihan party-list.
Ang mga pangunahing dahilan, ang walang hanggang pagmamahal ng mga tao kay Fernando Poe Jr., ang Hari ng Pelikulang Pilipino kasabay ng direktang integrasyon ni Brian Poe Llamanzares sa mga advocacy group at grassroots organization at paggagap nito sa aktwal na agenda ng bawat sektor.
Sinabi ni Ricky Mallari, lider ng Volunteer Poe Kami Movement, nakakuha ng momentum ang FPJ Panday Bayanihan party-list nang isagawa nito ang serye ng konsultasyon sa hanay ng mga kabataan, kababaihan, magsasaka, mangingisda, solo parents at Filipino Muslim communities.
Sa pangunguna ni Brian Poe, unang nominado ng FPJ Panday Bayanihan Party-list ay masugid nitong pinakikinggan at inaalam ang makabuluhang pananaw at rekomendasyon ng bawat sektor. Katuwang siya sa pagbalangkas ng agenda ng mamamayan, banggit ni Mallari.
Ang dedikasyon ni Brian Poe ay sumasalamin sa hangarin ng kanyang lolo na si FPJ na walang hangganang maglingkod sa bayan. Sa halos tatlong dekada niya sa industriya ng pelikula at mahigit 300 pelikula, ginampanan ni Fernando Poe, bilang pangunahing aktor, ang simpleng buhay ng masang Pilipino, na nagbibigay inspirasyon sa mga manonood.
Ang representasyon ni FPJ sa katayuan ng masa sa pelikula ay tinugon ng mga bumotong publiko nang tumakbo si FPJ bilang Pangulo. Nakakuha siya ng 11 milyong boto, mahigit isang milyong boto (3.48%) lamang sa re-eleksyonistang si Gloria Macapagal Arroyo.
Ang halalan sa pagkapangulo ng Pilipinas noong 2004 ay naitala sa kasaysayan bilang isang masiglang laban.
“Aking naiintindihan at naramdaman na kailangan kong makipag-ugnayan sa pamamagitan ng isang malakas na mensahe upang samahan ang mamamayan sa pagkamit ng isang makabuluhang pagbabago“ saad ni Brian Poe.
Tangan ng Panday Bayanihan Partylist ang plataporma na nakabatay sa mga haligi ng Food, Progress at Justice (FPJ), na naglalayong itaas ang antas ng mga nasa laylayan ng lipunan at itaguyod ang isang inklusibo at napapanatiling kinabukasan para sa bansa.
Sa ginanap na isang consultative meeting ng Filipino Muslim ay ipinahayag ng mga lider at kinatawan ng Rizal Muslim Consultative Council (MCC), Cainta Muslim Affairs Office, Muslim Communities ng Munisipalidad ng Rodriguez, Rizal, Salaam Police Advocacy Group (SPAG), at United Cavite Muslim Communities ang kanilang pagsuporta sa FPJ Panday Bayanihan partylist.
Sinuportahan din ni Brian Poe ang kahilingan ng grupong Muslim na magtatag ng isang konsultatibong konseho sa mga lugar na may malaking populasyon ng Muslim at palawakin ang mandato ng National Commission on Muslim Filipinos.
Sabi ni Poe, “Kung gusto nating umunlad ang ating bansa at ekonomiya, walang Pilipino ang dapat maiwan, anuman ang kanilang katayuan o relihiyon. Dapat nating itaas ang buhay ng bawat Pilipino at bigyan ng pantay-pantay na pagkakataon ang lahat.”
Pinapurihan ng mga propesyonal, akademiko, at negosyante si Brian Poe nang iprisinta niya ang kanyang pananaliksik sa water management sa pagdaraos ng ika-6 na Katipunan Conference on National Security and Economic Resilience na ginanap sa Ateneo de Manila University.
Ang kasikatan ni FPJ ay naipakita sa laban sa pagka-senador, kung saan si Grace Poe, na sa unang pagtakbo para sa Senado noong halalan ng 2004, ang nanguna sa listahan ng mga nanalo. Nang maghain si Brian Poe ng kanyang Certificate of Candidacy bilang unang nominado ng FPJ Panday Bayanihan party-list ay sinamahan siya ng kanyang ina na si Senator Grace Poe.
“Sabi ko kay Brian, gaya ng sinabi sa akin ng aking ina, gawin mo ang iyong makakaya at huwag kaming pahiyain.”
“Alam niya na pribilehiyo ang maging bahagi ng pamana ni FPJ, “ anang senadora. “Sinabi ko sa kanya na alagaan ang pangalan ng aking ama,” dagdag pa ni Sen. Grace Poe.
