BITAY SA MAGNANAKAW NG P5-M SA GOBYERNO – FORMER ES RODRIGUEZ

(BERNARD TAGUINOD)

IBABALIK ni dating Executive Secretary Atty. Vic Rodriguez ang parusang kamatayan para mabitay ang mga taong gobyerno na magnanakaw ng P5 milyon sa kaban ng bayan kapag nanalo siya sa 2025 senatorial race.

Sagot ito ni Rodriguez kay Karen Davila sa programang “Haparan” nang tanungin kung bakit siya ay dapat iboto ng taumbayan at iluklok sa Senado sa susunod na eleksyon.

“Sapagkat ako ay lalaban sa corruption at alam ko kung paano labanan ito. Aamyendahan ko ang plunder law,” ani Rodriguez.

Sa ilalim ng kasalukuyang batas, P50 million ang dapat manakaw ng isang corrupt na opisyal ng gobyerno para masampahan ito ng plunder case subalit nais ni Rodriguez na ibaba ang halagang ito sa P5 million.

“Ibababa ko ang threshold ng plunder from P50 million to P5 million at pag nagawa ko ‘yan ibabalik ko ang death penalty. ‘Yan ang kaparusahan sapagkat higit pa yan sa heinous crime ang pagnanakaw. Dahil ang pagnanakaw ay pagnanakaw kahit ano pa ang halaga,” ani Rodriguez.

“Isingit ko lang. Ang nakalagay sa Banal na Kasulatan, thou shalt not steal period. Hindi sinabi na thou shalt not steal ng more than P50 million. So huwag nating paguluhin ang buhay natin…huwag kang magnakaw period,” dagdag pa nito.

Ayon kay Rodriguez, “very bad” ang corruption sa Pilipinas kung saan inihalimbawa nito ang nangyari sa Bicol region na pinalubog sa baha noong October 2024 ng Bagyong Kristine dahil ninakaw aniya ang flood control funds.

“Dalawang daang inosenteng Pilipino patay dahil ninakaw yung flood control funds. Hindi katanggap-tanggap ‘yun, hindi katanggap-tanggap ‘yun Karen. Dapat yun naka-Pasko…gaya natin dalawa, kagaya ng maraming Pilipino, patay eh,” ayon pa sa unang executive secretary ng Marcos Jr. administration.

Hindi man lamang nag-sorry ang Marcos administration sa mga namatayan na naiwasan sana kung hindi ninakaw ang flood control funds kaya iginiit din nito na imbestigahan ang 5,500 flood control projects na ipinagmalaki ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa kanyang huling State of the Nation Address (SONA).

Sa unang dalawang taon aniya ni Marcos, P500 billion na ang ginastos nito sa flood control projects kaya malaki ang pananagutan nito sa pagbaha, hindi lamang sa Bicol region kundi sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

“Five hundred billion ang sinabing nagasta sa flood control program. Nasaan? Nasaan? Yung sa Bicol na nalubog, bilyon-bilyong piso yun bakit nalubog,” dagdag pa nito.

“Pag naamyendahan ko ‘yan ibabalik ko ang death penalty sapagkat pagod na pagod na ang sambayanang Pilipino sa corruption at nakita na natin kung saan patungo ang ating bansa, kawawa naman tayo,” ayon pa kay Rodriguez.

49

Related posts

Leave a Comment