KAPE AT BRANDY ni Sonny T Mallari
LINTIK din talaga ang utak ng Pinoy sa timbangan ng tama at mali. Ito ay tungkol sa naging viral na video ng isang sekyu sa isang mall sa Mandaluyong City at babaeng nagtitinda ng sampaguita.
Matapos na tadyakan ng sekyu, lamasin at ibasura ang tindang sampaguita, ang pobreng biktima pa ngayon – sa mata ng mga ipokrito at ipokritang netizens – ang pinalalabas na masama dahil 22-anyos na siya at nasa kolehiyo ay hindi raw marunong umintindi na bawal ang pagtitinda sa lugar,
At mas kawawa pa raw ngayon ang sekyu dahil sinibak sa trabaho. Naawa sa sekyu pero parang hindi nakita ang ginawa nitong pandarahas sa kanyang mas kawawang biktima.
Kung bawal man ang pagtitinda sa hagdanan ng shopping mall, isa na ba itong malaking kasalanan ng biktima kahit pa siya ay nag-aral at nasa kolehiyo na?
Kung sinoman ang bumabatikos sa biktima dahil sa kanyang ginawang bawal sa kabila ng kanyang edukasyon, hindi ba sila nakagagawa ng labag sa batas sa buong buhay nila at umaasta ngayong matapat na mamamayan?
Sa dinaranas na kahirapan ng marami ngayon – katulad ng biktima na naglalako ng sampaguita para makatulong sa kanyang pamilya gayundin sa kanyang pag-aaral – lahat ay gagawin para mabuhay sukdulang labagin ang bawal.
Nakita ng mga bumabatikos ang maliit na paglabag ng biktima sa alituntunin ng shopping mall pero dedma sila sa mas malaganap na bawal – ang malawak na korupsyon sa pamahalaan at dekwatan ng mga opisyales ng gobyerno. Ito ang dahilan kaya lalong dumarami ang naghihirap na mamamayan na nagtutulak sa kanila na gumawa ng bawal para mabuhay.
##########
Kapiyestahan ni Sto. Niño noong Linggo, Enero 19. Ikuwento ko lang muli ang himalang ginawa Niya sa buhay ko.
Si Sto. Niño de Lucena o si “Paye” ang patron ng pamilya ng peryodista. Noong totoy pa si Tsiboy – ang aming uniko iho – kapag pumapasok kami sa katedral sa Lucena City, ang imahe niya ang una naming pinupuntahan para manalangin. Ipinakilala namin kay Tsiboy na si Sto. Niño de Lucena ang kanyang “Pare”. Pero hindi niya ito mabigkas at sa halip ay “Paye” ang lumalabas na salita sa kanyang bibig. Hanggang ngayon, ‘yun na rin ang pangalan Niya sa amin.
Ang imahe Niya ay nasa dashboard ng aking sasakyan noong ambusin ako noong 2007. Dumikit sa tabi ng kotse ang riding-in-tandem. Dalawang putok mula sa kalibre .45 ang pinakawalan ng backrider at isa ang tumama sa aking tagiliran.
Lumipat sa harapan ng kotse ang motorsiklo para tuluyan na akong todasin. Kinuha ko ang imahe ni “Paye” at mahigpit ko Siyang niyapos sa aking palad kasabay ng panawagan na huwag Niya akong pababayaan.
Itinutok ng hitman ang baril sa akin at paulit-ulit na kinakalabit ang gatilyo pero hindi pumutok. Tumakas na lang sila at iniwan na ako. Noon ko naramdaman ang pagmamahal sa akin ni “Paye”. Hindi nga Niya ako pinabayaan. Totoong may himala mula sa langit.
At hindi Niya rin ako pinaopera para hindi manganib pa ang buhay. Tanda ko pa ang sinabi ng doktor sa loob ng emergency room ng ospital: “Linisin na lang ang bullet wound, tapalan ng plaster at ilabas na ako.” Akala ko nga ay nagbibiro lang. Pero seryoso. Ipinaliwanag niya sa akin na mas delikado pang operahan ako. Hindi raw naman manganganib ang buhay ko maski na may bala ako sa loob ng katawan. Anting-anting pa raw ‘yun, ang biro pa niya. Hanggang ngayon ay nasa loob pa ng katawan ko ang tingga ng bala. Hindi umaalis sa lugar, isang tuldok ang distansya sa aking spinal column. Kung hindi napigilan ng taba ng aking katawan ang humahaginit na bala noong barilin ako, baldado ako tiyak dahil wasak ang gulugod ko.
Nananatili pa rin ang imahe ni “Paye” sa dashboard ng sasakyan ko hanggang ngayon.
Ano ang nangyari sa kaso ng pagbaril sa akin? Wala. Ibinasura ng korte. Kulang daw sa ebidensya. Hindi na ako naghabol. Bakit? Ito ang hiling sa akin ni “Paye”. Ang patawarin ko na sila. Viva Pit Paye!
##########
Marami na ang naghihintay sa paghuhukom kay dating Pangulong Rodrigo Duterte at mga alipores niya noong panahon ng kanyang administrasyon. Nagrekomenda ang Kongreso, matapos ang kanilang isinagawang mga imbestigasyon, na sampahan ng kasong paglabag sa “Republic Act No. 9851” o “Philippine Act on Crimes Against International Humanitarian Law, Genocide, and Other Crimes Against Humanity” si Digong at ang kanyang tropa.
Pero hanggang ngayon ay wala pang nagaganap na pagsasampa ng habla.
Titimbangin dito si PBBM kung talaga bang determinado siya na kasuhan upang managot sa batas ang mga nasa likod ng mga karumal-dumal na krimen.
Ayaw raw niyang makialam ang International Criminal Court sa usapin dahil nakataya ang soberenya ng bansa. Despuwes, patunayan niya sa pamilya ng mga biktima ng extra judicial killings noong panahon ni Digong, na kahit dito sa Pilipinas ay makakamit nila ang katarungan.
14