SWAK sa kulungan ang dalawa sa tatlong tirador ng motorsiklo makaraang mahagip ng CCTV ang umano’y pagnanakaw ng mga ito ng isang motorsiklo sa Barangay 783, Sta. Ana, Manila noong Huwebes ng gabi.
Kinilala ang suspek na sina alyas “Jeremiah”, 26, at “Bryan Bilen”, 18, kapwa residente ng Sta. Ana, habang nakaeskapo ang kasama nilang si alyas “Andy Boy”.
Base sa ulat ni Police Major Christian Dee Cacho, hepe ng District Anti – Carnapping unit (DACU) ng Manila Police District, bandang alas-5:38 ng hapon nang dumulog ang complainant na si Lawrence Ivan, 22, college student, residente ng Sampaloc Manila, hinggil sa pagkawala ng kanyang motorsiklo.
Batay sa footage ng CCTV sa lugar, dakong ala-1:11 ng madaling araw nang kunin ng mga suspek ang motorsiklong Suzuki Raider 150 CC, habang nakaparada sa harap ng bahay ng biktima, at ikinarga ito sa isang tricycle.
Makaraang i-report sa pulisya, agad nagsagawa ng follow-up operation ang mga operatiba at nadakip ang dalawang suspek ngunit nakatakas ang isang kasama ng mga ito.
Ang mga suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10883 (Anti-Carnapping Act of 2016). (RENE CRISOSTOMO)
14