BATANGAS – Patay ang isang lalaki matapos pagbabarilin sa gitna ng kalsada sa Brgy. District 4, sa bayan ng Balayan sa lalawigan noong Sabado ng gabi.
Ayon sa ulat ng Balayan Police, bandang alas-7:30 ng gabi nang matagpuan ang bangkay ng biktima sa kalsada at may mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Kinilala ang biktimang si alyas “Leo”, 39, binata, walang trabaho, at residente ng Brgy. District 1, Balayan, Batangas.
Ayon sa salaysay ng isang residente mula sa Sitio Ina ng Awa, Brgy. District 4, nakita niyang nakahandusay ang biktima kaya agad niya itong ini-report sa mga opisyal ng barangay.
Sa pagsisiyasat ng mga awtoridad, nakarekober sila ng limang basyo ng bala ng kalibre .45 sa crime scene, at isang motorsiklong Suzuki Smash na may plate number 881 NLA.
Kasalukuyang inaalam ng mga imbestigador ang pagkakakilanlan ng mga suspek at ang posibleng motibo sa krimen.
Hinihintay rin ang resulta ng imbestigasyon ng SOCO habang nagpapatuloy ang dragnet operation upang matunton ang mga suspek. (NILOU DEL CARMEN)
7