CAVITE – Dinampot ng mga awtoridad ang18 kalalakihan makaraang maaktuhang nagsusugal sa isinagawang anti-illegal gambling operation ng mga awtoridad sa magkakahiwalay na lugar sa lalawigan noong Linggo ng hapon.
Sa Naic, Cavite, anim na sabungero ang naaktuhan habang nagsasagawa ng tupada sa Mabulo St., Barangay Sabang, Naic, Cavite bandang ala-1:00 ng hapon kung saan narekober ang dalawang patay na panabong, tari at P1,450 halaga ng taya.
Naaktuhan din ng mga operatiba ng Silang Municipal Police Station habang nagsasagawa ng tupada ang tatlong sabungero bandang alas-5:05 ng hapon sa Brgy. Tibig, Silang, Cavite at narekober ang P550 halaga ng taya, limang panabong at isang tari
Dalawa katao naman ang dinampot makaraang maaktuhan habang naglalaro ng cara y cruz bandang alas-4:00 ng hapon sa Brgy. Tabora, Gen. E. Aguinaldo, Cavite, habang tig-iisa sa Brgy. Kabulusan Magallanes, Cavite bandang alas-5:50 ng hapon, at sa Brgy. Acacia, Silang, Cavite kung saan narekober ang P550 halaga ng taya.
Sa bayan ng Amadeo, lima katao naman ang inaresto nang maaktuhang naglalaro ng tong-its bandang alas-7:43 ng gabi sa Barangay Bucal, Amadeo, Cavite, at bandang alas-10:00 ng gabi sa Barangay Loma, Amadeo, Cavite kung saan narekober ang P170 halaga ng taya at mga baraha. (SIGFRED ADSUARA)
