(NI MINA DIAZ)
HUSTISYA ang hinihingi ng Department of Labor and Employment (DoLE) sa bansang Kuwait hinggil sa overseas Filipino worker (OFW) na napatay ng kanyang amo.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III kailangang managot ang gobyerno ng Kuwait sa pagkamatay ng 47-anyos na si Constancia Lago Dayag ng Agadanan, Isabela, isang Pinay domestic worker.
Sinabi ng kalihim na ang insidente ay isang paglabag sa kasunduan sa pagbibigay proteksyon sa mga OFW sa pagitan ng Pilipinas at Kuwait.
Kasabay nito, inatasan na rin ni Bello ang Philippine Overseas Employment Administration at Philippine Overseas Labor Office sa Kuwait na tignan ang agency na humawak kay Dayag.
Una nang iniutos ng gobyerno ng Pilipinas noong nakaraang taon ang pagbabawal ng OFW na magtrabaho sa Kuwait matapos ang magkakasunod na ulat ng pagmamaltrato sa OFW kasama na ang pagpatay kay Joanna Demafelis na natagpuan ang katawan sa loob ng freezer.
Naalis lamang ang ban nang magkasundo ang Pilipinas at Kuwait.
146