PNP INAALAM PINAGMULAN NG GINAMIT NA ARMAS SA TACLOBAN SCHOOL SHOOTING

INIIMBESTIGAHAN na ng Philippine National Police (PNP) kung saan nagmula ang mga armas na ginamit ng dalawang Grade 9 student na sangkot sa madugong pamamaril sa loob ng San Jose National High School sa Barangay San Jose, Tacloban City.

Sa panayam sa Camp Crame, sinabi ni Police Regional Office-8 Director PBGen. Jason Capoy na isang Glock pistol at isang .38 caliber revolver ang ginamit ng dalawang estudyante sa insidente.

Ayon kay Capoy, sinusuri rin ng mga imbestigador kung may mga kaanak sa law enforcement ang mga suspek na posibleng pinagkunan ng mga armas.

Nangyari ang pamamaril dakong alas-9 ng umaga habang may naka-duty na guwardiya sa guard post ng paaralan.

Gayunman, sinabi ni Capoy na maraming pasukan at labasan sa eskwelahan kaya nagawang maipasok ng mga suspek ang kanilang mga baril.

Tatlo ang nasawi habang lima ang nasugatan sa insidente. Nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang isa sa mga suspek habang patuloy na tinutugis ang isa pa na nakatakas.

Batay sa paunang imbestigasyon, lumitaw na matagal nang biktima umano ng bullying ang dalawang estudyante mula pa noong Grade 7.

Patuloy namang inaalam ng pulisya kung sino ang tunay na target ng pag-atake at kung ano ang eksaktong motibo sa likod ng pamamaril.

Samantala, iniutos na rin ng Malakanyang ang masusing imbestigasyon sa insidente.

“Kinakalungkot ng Pangulo Ferdinand R. Marcos Jr. ang pangyayari. Kahit sino pa man lalo na ang mga magulang ng mga nabiktima ay makakaramdam ng lungkot at takot,” ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.

“Iniuutos ang malalimang pag-iimbestiga rito at pinapasiguro ang proteksyon at kaligtasan sa lahat ng lugar, opisina, establisimyento lalong-lalo na sa mga paaralan,” dagdag pa nito.

Hindi pa inilalabas ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga biktima habang hinihintay ang abiso sa kanilang mga pamilya.

Patuloy rin ang manhunt operation laban sa ikalawang suspek habang sasailalim naman sa legal na proseso ang naarestong child in conflict with the law (CICL).

(TOTO NABAJA/CHRISTIAN DALE)

50

Related posts

Leave a Comment