1 PATAY, 2 SUGATAN SA SAGASA NG MULTICAB

CAVITE – Patay ang isang pedestrian habang sugatan ang dalawa pang biktima nang masagasaan ng driver ng isang multicab nang tinangka nitong mag-overtake sa isang pampasaherong jeepney sa Dasmariñas City nitong Martes ng madaling araw.

Pawang isinugod sa Asia Medic Hospital ang mga biktimang sina Ramiro Raymundo, 26; Mark Louie Elustre, nasa hustong edad, at Luis Angelo Lagoras y Oreo, 22, subalit namatay habang nilalapatan ng lunas ang huli.

Inaalam pa ng pulisya ang pagkakakilanlan ng driver ng isang Rusco multicab na tumakas matapos masagasaan ang mga biktima.

Ayon sa ulat, bandang alas-5:10 ng umaga nang mangyari ang insidente sa kahabaan ng Old Pala-Pala Rd., Brgy. Sampaloc 1, Dasmariñas City.

Minamaneho ni alyas “Sarita” ang kanyang public utility jeepney na may plakang DWX 737, ngunit habang binabagtas ang direksiyon ng Aguinaldo Highway nang masagi ang kanang bahagi ng kanyang sasakyan ng Rusco multicab na may plakang JAN 9158, na minamaneho ng ‘di nakilalang driver.

Nauna rito, tinangka umanong mag-overtake ng multicab sa sasakyan ni Sarita dahilan upang masagasaan nito ang tatlong pedestrian at bumangga pa ito sa puno ng acacia.

Matapos ang insidente, tumakas ang driver ng multicab habang ang mga biktima ay isinugod sa ospital subalit namatay si Lagoras habang nilalapatan ng lunas. (SIGFRED ADSUARA)

12

Related posts

Leave a Comment