HONEYLET KAKASUHAN SA PAMUMUKPOK SA PULIS

SASAMPAHAN ng kaso ng isang babaeng pulis na nakatalaga sa Special Action Force (SAF) ang common law wife ni dating pangulong Rodrigo Roa Duterte na si Honeylet Avanceña.

Sa isinagawang press briefing sa Kampo Crame, sinabi ni PNP Spokesperson Brig. Gen. Jean Fajardo na nakalabas na ng ospital ang policewoman at nagpapagaling na ito makaraang pukpukin ng cellphone sa ulo sa kasagsagan ng naganap na tensyon sa paghuli ng ICC sa dating pangulo.

Kasong direct assault ang isasampa ng Philippine National Police (PNP) kay Avanceña.

Nag-ugat ang insidente nang igilid ang mga tao sa loob ng kwarto habang patuloy ang negosasyon sa pagpapasakay sa eroplano kay FPRRD patungong The Netherlands.

Sinabi ng opisyal, na wala namang ginawang masama ang babaeng pulis, hindi rin umano hinawakan o ginalaw ng babaeng pulis si Avanceña at pagtapat sa kanya ay bigla na lamang itong pinukpok.

Dagdag pa ni Fajardo, kahit sila ni CIDG Director Major General Nicolas Torre III ay nakatanggap din ng katakot-takot na mura at panduduro mula sa mga kaalyado ng dating pangulo subalit hindi na nila ito pinansin, gayunman, ibang bagay na umano ang pananakit sa babaeng pulis. (TOTO NABAJA)

8

Related posts

Leave a Comment