SOFRONIO, SINTUNADO SA SOCIAL MEDIA

BISTADOR Ni RUDY SIM

HINDI ikinatuwa ng mga supporter ni dating pangulong Rodrigo Duterte ang naging tono ng mang-aawit na si Sofronio Parojinog Vasquez III sa social media, kasunod ng patutsada nito sa pagkakaaresto ni Digong.

“Deserve” ang unang lumabas sa official Facebook account ni Sofronio sa gitna ng pagsubaybay nating lahat sa mga makapigil-hiningang kaganapan noong Martes, na nauwi sa paghahatid sa dating pangulo sa hukuman ng ICC sa Netherlands. Hindi ito nakalusot sa mga netizen at agad umani ng batikos ang 32 taonggulang na singer para sa kanyang komento, na anila’y insensitibo at wala sa tamang lugar.

Agad din namang ipinaalala ng mga netizen ang kwento ng pamilya Parojinog sa Ozamiz City na pinanggalingan ni Sofronio, na siya ring itinuturo nilang pinagmumulan ng sintunadong sentimyento ni Sofronio. Sa isa sa mga nakaraang kolum natin, siniyasat natin itong family background ni Sofronio, buhat sa mga kaduda-dudang kwento ni Sofronio tungkol sa kanyang “kahirapan” noong kabataan niya.

Hindi tayo nag-iisa noon — marami rin ang sumita sa pinapalabas ni Sofronio kanyang mga interbyu, na taliwas sa tunay na buhay ng binata. Sabay-sabay nating kinwestyon ang ineereng kabulaanan ni Sofronio, at ipinaalala na siya ay apo mismo ni Alyas Ongkoy Parojinog, na siyang nagtatag ng Kuratong Baleleng. Ilang dekadang nabalot sa takot ang Misamis Occidental dahil sa kilabot na sindikatong ito. At alam na alam ng mga kaibigan natin sa Misamis Occidental kung paano naghari-harian ang mga Parojinog sa kanilang probinsya, kaya’t ganoon na lamang ang ating pagtataka sa naging paglalarawan ni Sofronio sa kanyang nakaraan.

Matagal din bago natin makakalimutan kung paano gumuho ang kaharian ng mga Parojinog nang mahanap nila ang katapat nila kay dating pangulong Duterte. Higit isang taon matapos pangalanan ni Digong si Mayor Reynaldo Parojinog, tiyuhin ni Sofronio, na may koneksyon sa ilegal na droga, isang madugong engkwentro ang naganap kung saan 16 ang naiwang patay, kabilang na ang mayor.

Tunay na naging malagim ang katapusan ng kapangyarihan ng mga Parojinog sa Ozamiz CIty, kaya siguro tingin ni Sofronio ay “deserve” ito ng lider na tumindig laban sa kanyang pamilya. Marahil sa pagkakasampal ng katotohanan ng mga netizen ay nahimasmasan si Sofronio at ibinaba ang kanyang naunang post, at nagpaumanhin.

Ngunit mukhang hindi ito sapat para sa mga supporter ng dating pangulo, at patuloy na dinumog ang mismong post na humihingi ng pasensya para patuloy na upakan si Sofronio. Kaya naman ang payo ko kay Sofronio, kahit magaling ka sa kantahan, alalahanin pa rin kung paano mo gagamitin ang boses mo. Dahil pagdating sa social media, ang maingay ay mas malala pa sa sintunado!

Para sa inyong sumbong at reaksyon, maaaring i-text lamang ako sa 09158888410.

(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

11

Related posts

Leave a Comment