DUMATING na ang sinasabing panahon na pananagutan ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang responsibilidad ng mga tauhan ng Philippine National Police at maging ng Armed Forces of the Philippines sa inilunsad na war on drugs ng Duterte administration.
Ayon kay FRRD sa kanyang facebook post, patuloy siyang magsisilbi sa bayan, naninindigang sa kanyang binitawang salita sa mga pulis at militar na gawin lamang nila ang kanilang trabaho at siya ang mananagot para sa kanila.
Sa inilabas na Facebook video ng dating Pangulo bago siya lumapag sa The Hague: “For all of the whatever happened in the past, ako na ‘yung nag-front sa ating law enforcement pati military. Sinabi ko na, I will protect you and I will… ako ang managot sa lahat.”
“This will be a long, legal proceeding but I say to you, I will continue to serve my country and so be it kung ganun ang destiny ko,” ani Digong Duterte.
Si Pangulong Duterte ay nakatakdang iharap sa unang pagdinig ng International Criminal Court para ipaalam ang kinahaharap niyang mga kaso kung saan maaari niyang hilingin na pagkalooban siya ng interim release pending a trial, batay sa umiiral na ICC rules.
Una rito, ipinaalala ni ICC Chief Prosecutor Karim Khan, na nanatiling suspek lamang ang dating Pangulo.
“It’s important to underline, as we now start a new stage of proceedings, that Mr. Duterte is presumed innocent,” paglilinaw ni ICC Chief Prosecutor Karim Khan.
Hiniling naman ni FRRD sa ICC na katawanin siya ng kanyang dating Executive Secretary Salvador Medialdea na kasama niya sa pagtungo sa The Hague para magsilbing isa sa kanyang legal counsels.
Nabatid na sumulat ang dating Pangulo sa International Criminal Court, para hilingin ang appointment ni Medialdea bilang abogado niya sa kanyang initial appearance sa “Pre-Trial Chamber.”
Si Duterte ay dinakip ng mga tauhan ng PNP-CIDG sa bisa ng inihaing notice ng INTERPOL base sa inilabas na warrant of arrest ng ICC paglapag ng sinasakyang niyang eroplano mula sa Hong Kong dahil sa umano’y kasong crime against humanity. (JESSE KABEL RUIZ)
