SUPORTADO ng malaking grupo ng transportasyon ang kandidatura ni dating mayor Isko Moreno -Domagoso at Chie Atienza para sa nalalapit na 2025 midterm election.
Sinabi ni Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP) President Rodelio Sotto, ang matatag na liderato, maayos na pamamahala, at dedikasyon sa publice service ang dahilan ng kanilang pagpapahayag ng suporta.
“Nakita naman po natin na ang Maynila ay nawala na po ang gobyerno. Sala-salabat po ‘yung traffic sa kanto, ang Divisioria nagiging dugyot talaga,” ayon sa grupo.
Nasaksihan din umano nila kung paano pangasiwan ni Domagoso ang pagpapanatili ng kaayusan at katahimikan sa Maynila kahit dis-oras ng hatinggabi.
“Saan ka nakakita ng Mayor, natutulog ang mga anak mo, ang Mayor natin nag-iikot sa Maynila nang madaling araw. Iyan po ang Mayor na talagang pinakikita ang pagmamahal sa kanyang constituent,” sabi pa ni Sotto.
Idinagdag pa niya na ang kanilang pagpapasya na suportahan ang liderato ng dating alkalde ay matapos maramdaman ang kawalan ng liderato sa kabisera ng bansa at binigyang-diin ang pangangailangan na ibalik si Domagoso.
Ang pagsusporta at pag-endorso ng FEJODAP sa Yorme’s Choice ang nagpalakas ng kanilang kandidatura sa sektor ng transportasyon lalo na’t kabilang sa kanilang pangako ang maayos na pamamahala, serbisyo at kapanatagan ng loob ng mamamayan. (JOCELYN DOMENDEN)
