P340-M DROGA HULI SA 2 BIG TIME DRUG DEALERS

TINATAYANG umabot sa P340 milyong halaga ng ilegal na droga ang nakumpiska mula sa dalawang hinihinalang big time drug dealers sa isinagawang joint anti-narcotics operation ng Philippine Drug Enforcement Agency at Philippine National Police sa Muntinlupa City, ayon kay Usec. Isagani Perez, PDEA Director General, kahapon.

Ayon kay PDEA Director Laurefel P. Gabales, chief, Public Information Office, inilunsad nitong Biyernes ng umaga ng magkasanib na puwersa ng PDEA at PNP ang buy-bust operation sa South Green Heights Village, Barangay Putatan, Muntinlupa City.

Sa nasabing drug sting operation ng mga awtoridad, dalawang hinihinalang big time drug dealers ang nadakip ng mga ahente ng PDEA Intelligence Service (IS) sa pakikipagtulungan sa PDEA-NCR Southern District Office at PNP SDEU Muntinlupa.

Kinilala lamang sa pangalang alyas “Tita Joy” at “Liezel” ang dalawang naaresto sa isinasagawang follow-up operation ng mga awtoridad.

Nadiskubre ang nakatagong droga sa ilang packages na kinabibilangan ng isang karton na naglalaman ng 25 golden aluminum packs; isang luggage na naglalaman ng 20 vacuum-sealed orange packs na may label na “Cote d’Ivoire”; isang pulang eco bag na naglalaman ng 5 vacuum-sealed orange packs na may marking na “Cote d’Ivoire”.

Sinasabing nasa 50,000 grams, o 50 kilograms ang nakumpiskang umano’y shabu na may strest value na P340,000,000.

Kapwa nahaharap ang dalawang suspek sa kasong paglabag sa Sections 5 (Sale of Dangerous Drugs) at 11 (Possession of Dangerous Drugs) ng Article II ng Republic Act 9165, o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Dinala naman sa PDEA Laboratory Service ang nasamsam na droga para sa dagdag na pagsusuri.

“The Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) and the Philippine National Police (PNP) remain committed to intensifying their efforts to combat illegal drug activities across the country, ensuring the safety and well-being of all citizens,” pahayag naman ni Usec. Perez. (JESSE KABEL RUIZ)

3

Related posts

Leave a Comment