INGINUSO ng isang miyembro ng New People’s Army (NPA) ang top aide ni Aklan 2nd District Rep. Teodorico Haresco Jr. bilang terrorism financier, bagay na mariin niyang itinanggi sa kanyang counter-affidavit.
Sa kanyang 17-pahinang affidavit, itinanggi ni Benjie Tocol, local chief of staff ni Haresco, ang kasong paglabag sa Republic Act 10168 o Terrorism Financing Prevention and Suppression Act of 2012 na isinampa laban sa kanya ng Criminal Investigation and Detection Group-Aklan Provincial Field Unit (CIDG-PFU) sa pangunguna ni PMSG Bella Ladera.
Bukod kay Tocol, sinampahan din ng kaso ng CIDG sina Rosanna Inaudito, alyas Ka Dayan/Ann-Ann, at Jose Edwin Guillen, isang opisyal umano ng NPA Coronacion Chiva “Waling-Waling” Command sa Panay Region, sa Department of Justice (DOJ) central office sa Maynila.
Ayon sa CIDG-PFU, isang Brince Gegodas, na naarestong miyembro ng NPA, ang nagsabing nakipagkita siya sa aide ni Haresco, na nag-utos sa kanyang maghatid ng groceries at pera kay Guillen sa Ceres Terminal sa Kalibo, Aklan, noong Abril 2023.
Sa isang entrapment operation sa Makato, Aklan, kung saan naaresto si Gegodas noong Hunyo 27, 2023, nakita ng mga operatiba si Tocol sa lugar. Nang tanungin ng mga awtoridad, nagpakilala si Tocol bilang tauhan ni Haresco at humingi ng pahintulot na umalis sa lugar.
Bilang bahagi ng kanyang plea-bargaining agreement, ipinakita ni Gegodas sa mga awtoridad ang call logs ng kanyang usapan sa aide ni Haresco at kay Guillen upang patunayan ang kanyang pahayag.
Bagaman itinanggi ni Tocol na siya ang may-ari ng mobile number na ipinakita ni Gegodas sa mga imbestigador, nadiskubre na ang GCash account na nakakonekta rito ay nakarehistro sa pangalan ni Tocol.
Ang GCash account na nakapangalan kay Tocol ay nananatiling aktibo, batay sa isang remittance transaction noong Pebrero 21, 2025.
Sa ilalim ng Republic Act 10168, ang sinumang mapatunayang lumabag sa Terrorism Financing Prevention and Suppression Act ay maaaring makulong ng hanggang 40 taon at pagmultahin ng P500,000 hanggang P1 milyon.
Nagtrabaho rin si Tocol bilang legal division manager ng Aklan Electric Cooperative Inc. (Akelco) ngunit sinibak bunsod ng grave misconduct at pag-abuso sa kapangyarihan na nakaapekto sa interes ng kooperatiba at mga miyembro nito.
