4 KATAO DINAMPOT SA DEMOLISYON SA TONDO

DINAKIP ng mga tauhan ng Manila Police District ang apat na residente na humarang at nanakit umano ng mga pulis sa demolisyon sa Mayhaligue Street na sakop ng Brgy. 262 at 264 sa Tondo, Maynila.

Kabilang sa hinuli ang umano’y ilang nambato nang simulan muli ang demolisyon na sandaling itinigil dahil sa pagbuhos ng ulan.

Atras-abante ang mga tauhan ng District Mobile Force Battalion at ng mga tauhan ng Demolition Team makaraang iutos ni Sheriff Raymundo Roxas ng Metropolitan Trial Court na pansamantalang itigil ang gibaan.

Napilitang bombahin ng Bureau of Fire Protection Manila ang gate papasok sa mga bahay na nakatakdang gibain matapos itong barikadahan ng mga residente na ikinandado rin ang nagsisilbing gate papasok sa mga kabahayan.

Ang mga residente ay nagawang mambato ng mga plastic na may lamang ihi at gumamit pa ng fire extinguisher para mapigilan ang demolition team.

Sa report ni Police Major Philipp Ines ng Public Information Office (PIO), dinampot ang apat na indibidwal ng mga tauhan ni Police Lieutenant Colonel Alvin Christopher Baybayan, Station Commander ng MPD – Station 2 na nagsilbing ground commander kasama ang mga tauhan ng District Special Weapons and Tactics at ng DIDMD.

(RENE CRISOSTOMO)

80

Related posts

Leave a Comment