PAGPALAG NG DND SA CHINA SUPORTADO NG GRUPO NI GOITIA

SUPORTADO ni Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia kasama ang tatlong grupo ng makabayang Pilipino ang pagpalag ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilberto Teodoro sa mga tanong na ibinato ng dalawang mataas na opisyal ng militar ng Tsina na maituturing na isang paraan ng pambu-bully sa taunang security forum na ginanap sa Shangri-La hotel sa Singapore.

Ang deklarasyon ng pagsuporta ni Goitia kasama ang kanyang libong miyembro na kumakatawan sa mga grupo ng Alyansa ng Bantay Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement at People’s Alliance for Democracy and Reform (PADER) na matagal nang nagpapakita ng kanilang pagtutol sa mga agresibong pag-atake ng Tsina sa Pilipinas na maituturing na paglabag sa kasunduang naaayon sa pinirmahan sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) noong Disyembre 10, 1982.

Ayon kay Chairman Emeritus Goitia, ang mga ibinatong tanong ng dalawang opisyal ng Tsina ay isang pakana para kay Secretary Teodoro upang magbigay ito ng marahas na tugon sa problema ng maritime dispute sa West Philippine Sea (WPS).

Aniya, hinangaan niya ang katapatan ni Teodoro sa pagtugon sa mga tanong kung saan ang kanyang pagsagot ay pinalakpakan ng mga dumalo sa forum.

“Ang pagsagot ni Secretary Teodoro ay maituturing na isang hindi direktang pang-iinsulto na nagmula sa isang opisyal na may integridad na katulad niya,” ayon kay Goitia.

Idinagdag pa nito na ang kanilang grupo ay sumusuporta sa pahayag ni Teodoro na bagamat ang Pilipinas ay kabilang sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), ito ay isang sovereign country na may sariling territorial na integridad at soberanya na rumerespeto sa UNCLOS.

Sobra na aniya ang paglapastangan at pambu-bully ng Tsina sa ating karapatan dahil sa napakarami nang napaulat na agresibong aksyon ang ginagawa ng Chinese Coast Guard sa mga barko ng Pilipinas tulad ng water cannon blasting at laser targeting at maging sa mga Pilipinong pangingisda sa karagatan ng Pilipinas ang ikinabubuhay.

Upang ipakita ang kanilang pagkadismaya sa ginagawa ng gobyerno ng Tsina, pangungunahan ng PADER ang pagsusulong ng iba’t ibang uri ng mass actions sa Mendiola at maging sa harap ng Chinese Embassy sa Makati City samantalang ang dalawang grupo ng ABKD AT FDNY-Movement naman ay magra-rally sa harap ng tanggapan ng Department of National Defense (DND).

14

Related posts

Leave a Comment