SIBAKAN SA GOBYERNO NAKAUMANG NA

NAGBABADYA na ang malawakang sibakan sa gobyerno matapos ratipikahan sa Kongreso ang Bicameral Conference committee report ukol sa “Government Optimization Act” na dating kilala bilang “The National Government Rightsizing Act”.

Pirma na lamang ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang kulang at ipatutupad na ang pagbabawas sa mga tauhan ng gobyerno kung saan 187 ahensya ang inaasahang maaapektuhan.

Sa ilalim ng nasabing panukala, tatanggalin ang mga inokupahang puwesto ng mga empleyado na may kahalintulad na tungkulin kung saan, unang sinabi ni ACT party-list Rep. France Castro na nanganganib ang mga job order (JO) at contract of service (COS) o contractual  employees.

Sa ngayon ay umaabot sa 2,337,802 ang empleyado ng gobyerno kabilang na ang 582,378 na JOs at COS employees na ayon kay Castro ay 5 porsyento sa mga ito ay aalisin na sa kani-kanilang trabaho.

Partikular na matatamaan umano, ayon kay Castro, ang mga empleyado ng Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Environment and Natural Resource (DENR) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) na may pinakamaraming JOs at COS sa lahat ng ahensya ng gobyerno kasama na sa  Local Government Units (LGUs).

Gayunpaman, tanging ang mga COS at JOs ang babawasan sa DepEd, DOH at hindi ang mga guro at public health workers sa dalawang nabanggit na ahensya habang ligtas naman ang mga sundalo at pulis.

Unang itinulak ang nasabing panukala noong 2017 sa ilalim ng Duterte administration  subalit nabigong umusad sa Kongreso pero itinuloy ng administrasyon ni Marcos na ang layon ay pabilisin ang serbisyo na hindi nagtuturuan ang mga empleyado na may pare-parehong tungkulin.

Bukod dito, makatitipid umano ang gobyerno ng P14.5 billion taon-taon sa pasahod ng gobyerno na maaaring gamitin sa ibang programa at proyekto na pakikinabangan ng mamamayang Pilipino.

(BERNARD TAGUINOD)

13

Related posts

Leave a Comment