SONA NI PBBM BOBOYKOTIN NI VP SARA

MULING ibo-boycott ni Vice President Sara Duterte ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa July 28, 2025 kasabay ng pagbubukas ng 20th Congress.

Sa panayam ng mga mamamahayag kay House Secretary General Reginald Velasco, kinumpirma nito na nagpadala ng sulat si Duterte para ipaalam na hindi dadalo sa ikaapat na SONA ni Marcos.

Gayunpaman, sinabi ni Velasco na hindi pa rin ipaookupa ang upuan ni Duterte at mga staff nito sa gallery ng plenaryo ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa pagbabaka-sakaling magbabago ang isip nito.

“We are not excluding the possibility that she will attend so there be a sit for her in the center of the gallery. So if she decides to come there will be a sit for her and her immediate staff,” ani Velasco.

Sa katunayan aniya, may nakalaang holding room para sa Pangalawang Pangulo at mga staff nito tulad ng ginagawa ng Kongreso sa mga nakaraang SONA ng kasalukuyan at nagdaang pangulo ng bansa.

Unang binoykot ni Duterte ang ikatlong SONA ni Marcos noong nakaraang taon kung saan itinalaga nito ang sarili bilang “designated survivor” na umani ng batikos.

Samantala, nag-inspeksyon na ang Presidential Security Command sa Batasan Pambansa kahapon bilang bahagi ng paghahanda sa SONA ni Marcos.

(BERNARD TAGUINOD)

29

Related posts

Leave a Comment