BISTADOR ni RUDY SIM
ANG may hawak ng timbangan ng katarungan na dapat sanang nakapiring ang mga mata at walang kinikilingan ay lantarang sinasalaula ang batas upang magpatuloy ang kasakiman at katiwalian sa isang ahensyang kanyang nasasakupan.
Bulag ba ang Department of Justice sa pagsasabing mahina at walang ebidensya ng katiwalian sa kabila ng kaliwa’t kanang alegasyon ng korupsyon laban kay Bureau of Immigration Commissioner Joel Anthony Viado, ng umano’y concerned BI employees na siyang may tunay na pagmamahal sa ahensya, dahil sa kanilang nakikitang lantaran at walang pakundangan na pagmamalabis sa kapangyarihan ni Viado?
Sadyang manhid ba ang DOJ o talagang muling aktibo na naman ang mga sindikatong sinasamantala ang ibinigay na tiwala sa kanila nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at First Lady Liza Araneta, na siyang nakasisira sa kasalukuyang administrasyon.
Hindi ba’t ebidensya ng katiwalian ang mga binigyan ng pabor ni Viado noon pang simula itong manungkulan sa ahensya bilang commissioner? Isa na nga rito ay ang ibinisto natin noong nakaraang taon kaugnay sa 41 POGO workers na hinuli ng PAOCC sa Bagac, Bataan noong October 31, na kahit wala pang petition for bail na naisalang at hindi pa nakababayad ng piyansa ay nauna nang pinag-overtime ni Viado ang BI legal officers upang gawin ang 2 release order ng mga dayuhan nang libre dahil wala raw kakayanang magbayad samantalang mayroong kompanya at mayroong nakumpiskang milyones sa vault ng naturang POGO hub.
Dahil dito ay matatandaang iniutos ni Executive Secretary Lucas Bersamin ang pagpapa-deport at paghuli sa 41 dayuhan na pinalaya ni Viado na hanggang sa kasalukuyan ay hindi matagpuan at parang bulang naglaho. Sino ang mas mataas pa na opisyal ng gobyerno kay Viado, ang nasa likod ng power tripping?
Ilang ulit nang nabahiran ng kahihiyan ang tanggapan ng BI Intelligence Division, una na rito ay ang pagsampa noon ng reklamo ni James Kumar sa ‘hulidap’ na ginawa ng kanang kamay ni Chief Fortunato “Jun” Manahan na si Jude Hinolan, hanggang sa muling naisyu ang anak ni Hinolan na inilagay rin ni Manahan sa kanyang tanggapan, na muling sumabit, at para safe itong si hepe ay kunyaring pinagpalamig muna ang mag-amang tirador.
Maraming kaduda-dudang operasyon ang tanggapan ni Manahan isa na rin dito ang mahigit 50 dayuhan na hinuli sa New Port sa Pasay City kamakailan lang ng team ng isang alias “Matel” at alias “Bato”, at upang maipakitang mayroon silang huli ay nagdala ng anim na dayuhan sa BI headquarters ngunit pinakawalan din agad dahil sa tawag umano ng isang alias “Charlie”.
Bakit hindi pinansin ni Viado? Mayroon kaya siyang basbas para lakas-loob manghulidap ang BI agents sa nahuhuling POGO workers o sadyang ang Intelligence Division ang bagman ni Kume? Wala kayang alam dito si Manahan o sadyang safety lamang ito? Magkano kaya ang kinita ng agents sa naturang raid at kahit isa ay walang tinuluyan? Balita natin ay nagpapasarap ang mga kumag sa kanilang kinita?
Samantala, sa tanggapan pa rin ng Intelligence Division ni Manahan ay bakit hinahayaan nito ang isang dating pulis na si alias “CJ” na lantaran umanong nanghoholdap sa liaison officers ng travel agency na hinihingan umano ng halagang 2K bawat dayuhan na nag-biometrics at nagre-report sa kanilang opisina kada buwan, na mga nakapagpiyansa gayundin ang mga dayuhang nais na ngang lumayas sa bansa ay kailangan pa nilang holdapin? Sobra naman ata kayo, kaya ba ninyo ipakain ‘yan sa mga anak n’yo?
Panawagan ng BI concerned employees na sana’y mapansin nina PBBM at FL Liza ang isyung ito, na sana’y ang susunod na ilalagay bilang commissioner ay matino naman at pinalaki ng kanyang mga magulang na disiplinado at hindi kayang ipakain sa kanyang pamilya ang salapi mula sa panggigipit sa mga dayuhan. Tama ba ako, Kume?
Tila nakalilimutan ata ni Kume na isa na siyang commissioner ng BI at hindi na siya ang dating nakikita ko na naglalakad dati ng papeles noong panahon ni dating commissioner Morente, na madalas itong nagpupunta kay dating associate commissioner Toby Javier.
(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)
