2 SANGAY NG CONVENIENCE STORE HINOLDAP NG NAKA-KOTSE

CAVITE – Tinutugis ng pulisya ang dalawang lalaking sakay ng isang Mitsubishi Mirage na responsable sa panghoholdap sa dalawang sangay ng isang convenience store at tumangay ng mahigit P85,000 cash sa magkasunod na insidente sa Gen. Trias City at Imus City sa lalawigan noong Lunes ng madaling araw.

Ayon sa ulat ng pulisya, bandang alas-2:45 ng madaling araw nang pumasok sa isang sangay ng convenience store sa NIA Road, Brgy. Carsadang Bago 2, Imus City, ang mga suspek at nagpanggap na mga customer.

Agad naglabas ang mga ito ng hindi nabatid na kalibre ng baril at nagdeklara ng holdap at tinangay ang mahigit P5,000 na cash na kita ng tindahan.

Nang makuha ang pera, mabilis na tumakas ang mga suspek at sumakay sa isang Mitsubishi Mirage na hindi naplakahan.

Pagkaraan ay isinunod ng mga suspek ang isa pang sangay ng convenience store sa Brgy. Pasong Camachile 1, Gen. Trias City bandang alas-3:10 ng madaling araw at muling nagpanggap na mga customer.

Agad naglabas ng hindi nabatid na kalibre ng baril ang mga suspek at nagdeklara ng holdap at tinangay ang P80,000 cash na kita ng tindahan.

Matapos natangay ang pera, sumakay ang mga suspek na nasabing sasakyan at tumakas sa direksyon ng Noveleta.

Nagsasagawa ng backtracking ang pulisya sa CCTV sa posibleng mga dinaanan ng mga suspek at sa pagkakakilanlan ng mga ito.

(SIGFRED ADSUARA)

30

Related posts

Leave a Comment