KONGRESO HINDI TINANGGALAN NG POWER NG SC SA IMPEACHMENT

HINDI maituturing na pagtatanggal sa kapangyarihan ng Senado at Kamara sa impeachment ang naging ruling ng Korte Suprema sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.

Ito ang binigyang-diin ni Senador Juan Miguel Migz Zubiri sa paggiit na hindi naman pinipigilan ang kahit sino na muling maghain ng impeachment complaint sa susunod na taon.

“Of course not, because it does not stop the instigators or those who are trying to push for the impeachment to file again next year. Hindi naman sinabi ng Supreme Court, hindi na kayo maka-file ng impeachment,” paliwanag ni Zubiri.

Sinabi ni Zubiri na ang ruling ng Korte Suprema ay paalala lamang sa lahat na sundin ang proseso ng batas at ng due process.

” Pwede pa rin kayo mag-file ng impeachment, lumabag lang kayo dun sa one-year rule. Lumabag lang kayo sa proseso na dami-dami pong impeachment ang dumaan sa House of Representatives. Bakit pang-apat ang pinili ninyo? Parang may due process issue nga dyan,” dagdag ni Zubiri.

Ipinaalala rin ng senador na sa ruling ng Korte Suprema ay hindi inaabswelto si VP Sara sa anumang pananagutan at bagkus ay sinilip lamang ang paglabag sa due process.

Kaya naman, umaasa si Zubiri na sa susunod na paghahain ng impeachment complaint ay magiging mas maingat ang mga kongresista.

Kinaldag ng SC

Pinalagan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang Korte Suprema sa tila pagkaldag ng mga ito sa kapangyarihan ng mga kongresista sa impeachable officials na nagkakasala sa taumbayan.

Kahapon ay kinumpirma ni House spokesman Atty. Princess Abante na maghahain ang Kamara ng MR o motion for reconsideration sa desisyon ng Korte Suprema na unconstitutional ang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.

“Una sa lahat, nananatili ang respeto ng Kamara sa ating Korte Suprema. Subalit kami ay lubos na nababahala matapos naming matanggap at mabasa ang desisyon ng Korte Suprema kung saan pinawalang-bisa ang impeachment complaint na isinampa noong Pebrero 5, 2025 laban kay Vice President Sara Duterte,” ani Abante kahapon.

Binigyan-diin nito na sinunod ng mga ito ang saligang batas nang i-impeach ng mga ito si Duterte dahil sa paglustay sa kanyang confidential funds, pagbabanta sa buhay nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez at iba pa.

Subalit ang hindi aniya matanggap sa lahat ng Kamara ay ang interpretasyon ng SC sa due process na umano’y nagtakda ng bagong rekisito na wala sa 1987 Constitution at maging sa House Rules.

“Ayon sa Korte, kahit ang reklamong pirmado na at verified ng 1/3 ng mga miyembro ay kailangan pa ring basahin ng bawat pumirma at pagkatapos ay i-refer muli sa plenaryo upang pagbotohan. Dapat din daw ay nabigyan ng kopya at pagkakataon ang respondent na sagutin ang reklamo bago ito maisumite sa Senado. Ngunit wala pong ganitong rekisito sa ating Konstitusyon o sa mga Rules ng Kamara,” ani Abante.

Sa ilalim ng saligang batas, maaaring idiretso sa Senado o Impeachment Court ang isang impeachment complaint na pirmado at verified ng 1/3 ng mga miyembro ng Kamara at hindi na ito kailangang idaan sa House committee on justice.

“Sa madaling salita, nagbigay ang Korte ng panibagong patakaran na wala naman sa umiiral na batas. Pinawalang-bisa nila ang Articles of Impeachment base sa mga bagong pamantayan ng due process para sa respondent,” ayon pa kay Abante.

Mistulang pinarusahan din aniya ng SC ang Kamara sa pagsunod ng mga ito sa Francis at Gutierrez ruling na unang pinagpasyahan ng mga dating Mahistrado sa Kataas-taasang Hukuman na ang tanging may kapangyarihan sa pagpapa-impeach ay ang Kamara at hindi ang hudikatura.

“Ang Kamara ay pinarusahan dahil sinunod namin ang Francisco at Gutierrez rulings – mga pasyang galing din sa Korte Suprema,” ayon pa kay Abante.

Hindi rin umano dapat sisihin ang Kamara na hindi nabigyan ng due process si Duterte dahil ilang beses na inimbitahan ito sa pagdinig ng mga komite upang ipaliwanag ang kwestiyonableng paggastos sa kanyang confidential funds subalit tikom aniya ang bibig ng Bise Presidente.

“Muli, ang impeachment complaint laban kay VP Sara Duterte ay dumaan sa wastong proseso. Inaprubahan ito ng Kamara sa plenaryo. Ipinadala ito sa Senado na may buong awtoridad ng institusyong may pananagutan sa Saligang Batas,” ayon pa kay Abante. (DANG SAMSON-GARCIA/BERNARD TAGUINOD)

168

Related posts

Leave a Comment